Tolentino kumpiyansa sa tsansa ng Team Philippines sa AYG


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pipilitin ng 141-athlete Team Philippines na malampa­san ang nahakot na dalawang gold medals sa Asian Youth Games (AYG) noong 2013.

Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na magagawa ito ng mga Pinoy athletes sa event na nakatakda sa Oktubre 22 hanggang 31 sa Bahrain.

“We have strong chances at the gold medals in the combat sports, but we’re not discounting production in other fronts,” wika ni Tolentino sa AYG na ika­la­­wang pinakamalaking mul­ti-sport competition sa kon­tinente matapos ang Asian Games.

Ang nasabing dalawang gintong medalya na napanalunan ng bansa sa 2013 AYG na idinaos sa Nanjing, China ay galing kina Pauline Lopez (taekwondo) at Mia Le­gaspi (golf).

Dinomina ng China ang Nanjing games sa nahakot na 71 sa kabuuang 231 gold medals kasunod ang Thailand na may 17 golds, habang may 14 ang Singa­pore.

Nakatakdang magtu­ngo ang unang batch sa Manama sa Oktubre 17 kasunod ang ikalawang grupo sa Oktubre 20.

Sasabak ang mga Pi­noy athletes sa 19 sa ka­buuang 26 sports na inila­tag ng host Bahrain para sa AYG na inlunsad noong 2009 sa Singapore.