Tsino, kagawad timbog sa P6.6 milyong expired na pagkain


MANILA, Philippines — Umaabot sa P6.6 milyong halaga ng mga ilegal at expired na produktong pagkain ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa sa dalawang magkahiwalay na operasyon kung saan naaresto ang isang Chinese at barangay kagawad sa Bulacan at Tarlac.

Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office (PRO 3) Director PBGen. Jesse Mendez nitong Huwebes, alas-3:40 ng hapon, nagsagawa ng inspeksyon ang mga operatiba sa pangunguna ng Regional Intelligence Division–Regional Special Ope­rations Group 3 (RID-RSOG3), kasama ang Food and Drug Administration (FDA) Regional Field Office 3, BPLO Marilao, CIDG PFU Bulacan, RMFB3, at Marilao MPS sa Brgy. Patubig, Marilao, Bulacan.

Lumilitaw sa operasyon na naaresto ang 22-anyos na Chinese national warehouse manager dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines (RA 7394) kaugnay ng Food Safety Act (RA 10611), local ordinance, at iba pang naaangkop na batas.

Natuklasan ng mga awtoridad ang malalaking bulto ng mga imported na pagkain, kabilang ang cured meat, oil, sauces, bamboo shoots, noodles, at syrup products na walang wastong dokumentasyon sa paghahatid, pagbili, at pagsunod sa regulasyon na nagkakahalaga ng P5 milyon.

Sa hiwalay na operasyon noong Martes (Marso 24), alas-5 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga awtoridad na humantong sa pagkakaaresto sa 64-anyos na barangay kagawad dahil sa pagbebenta ng mga expired na produktong pagkain na labag sa RA 7394 at Food and Drug Administration Act of 2009 (RA 9711).

Narekober sa operasyon ang halos 19,800 piraso ng expired assorted noodles, kasama ang iba’t ibang snack items at consumer goods, na may kabuuang tinatayang halaga na P1.6 milyon.