Kahapon na umalis pa-Amerika sila Lorna Tolentino para dumalo sa Manila International Film Festival.
Sa March 5 ang schedule ng screening ng pelikula nilang Espantaho at magkakaroon ito ng Question and Answer pagkatapos ng screening.
Haharap sa Q&A sina Lorna at Janice de Belen, at maaaring kasama ang producer nilang si Atty. Joji Alonso.
Mache-check naman daw ang schedule ng screening ng iba pang pelikula sa kanilang Facebook page, dahil minsan ay nababagu-bago pa.
Ang latest ngang balita ay hahabol pala si Piolo Pascual para naman sa The Kingdom.
Medyo naintriga lang kami dahil may announcement na magkakaroon na ng 50 percent off sa ticket ng mga screening sa TCL Chinese Theatres.
Bakit kaya nagkaroon ng 50 percent discount? Mahina ba ang bentahan ng tickets?
Ayon sa ilang napagtanungan namin, may kaguluhan daw dun ngayon pagdating sa coordination ng mga organizer.
Halimbawa, nag-announce raw silang bibigyan nila ng tribute si Ms. Vilma Santos.
Eh hindi naman pala sumali ang Uninvited sa MIFF kaya bakit pa pupunta si Ate Vi?
Kaya lang may Vilmanians na pala roon na nagpa-book ng LA dahil ang buong akala nila ay makikita nila si Ate Vi.
May ilan daw na sinubukang bumili ng tickets para sa Uninvited at doon nila nalamang walang screening ng naturang pelikula.
Ang mas na-prioritize raw doon ng mga kababayan natin ay ang Konsyerto Para sa Filipino na in-organize ng MMDA at MMFF Executive Committee.
Free concert ito na dadaluhan ng mga dumalong cast ng MMFF movies at dadalo rin sina Dingdong Dantes, Ms. Boots Anson Roa-Rodrigo, Sylvia Sanchez at sina Kim Chiu at Paulo Avelino para sa pelikula nilang My Love Will Make You Disappear.
Magpe-perform doon sina Jaya, Joey Albert, Jed Madela, John Arcilla at ang Junior New System.
Ito pa raw ang inaabangan ng mga tao dahil makikita na nila roon ang mga artista.
Meron pang Tribute Gala roon na gaganapin sa Beverly Hilton, na ang magpe-perform ay sina Sofronio Vasquez at Grammy award nominee na si Deborah Cox. Sold-out na rin daw ito.
Bukod sa Uninvited, hindi na rin sumali ang Isang Himala. Pero may ilan pang pelikulang magkakaroon ng screening doon.
Ipalalabas pa raw uli roon ang Hello, Love, Again na nai-showing na roon. Bakit daw again nang again daw ang pelikulang ito ng KathDen.
Mas magulo pa raw ito kung ikumpara sa MIFF noong 2023.
Kaya hindi raw nila alam kung makipag-collaboration pa ba ang MMFF ng MMDA sa MIFF kung itong grupo pa rin ang mag-organize.
Sexy babe na bobita, biglang naging celeb!
Naging instant celebrity si Heart Aquino, ang contestant sa Sexy Babe ng It’s Showtime na hindi alam kung ano ‘yung COMELEC.
Inimbitahan siya ng COMELEC na pumunta sa kanila para malaman niya kung ano ang ahensyang ito.
Dumating nga roon si Heart para ma-familiarize siya kung ano ang COMELEC.
Nanawagan na siya sa mga kabataan, lalo na sa Gen Z na alamin kung ano talaga ang COMELEC at kung ano ang trabaho nila.
“In-encourage ko po na mas alamin pa po natin kung ano po ‘yung trabaho ng COMELEC,” pakli ni Heart.
Dismayado ang karamihan sa mga netizen na nagmaang-maangan lang daw naging celebrity na.
Puwede naman daw i-Google kung ano ang ibig sabihin ng COMELEC at hindi na kailangang papuntahin doon na may mga camera pa at full coverage.
Parang si Sandra Lemonon sa Binibining Pilipinas noon na walang alam sa “Build Build Build” na project nung Duterte administration.
Tinuruan tuloy siya ng DPWH (Department of Public Works and Highways) kung ano ito.
Sa panahon kasi ngayon, basta mag-viral ka lang, celebrity na agad, at ang dami nang nakisakay.
