October 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dumiretso ang Colegio de San Juan de Letran sa pang-limang sunod na panalo matapos bugbugin ang Arellano University, 83-65, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Kumolekta si team captain Mark Omega ng 18 points at 12 rebounds para sa 5-3 kartada ng Knights sa Group B matapos ang 0-3 panimula sa torneo.
Hulog ang Chiefs sa ikalawang dikit na kabiguan para sa 3-5 marka sa Group A.
Ang magkasunod na highlight plays nina Titing Manalili at Kevin Santos ang nagbigay sa Letran ng 52-39 bentahe sa 6:57 minuto ng third period.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Arellano.
Sa unang laro, nagpasabog si Fil-Am guard Agjanti Miller ng career-high 24 points para gabayan ang San Beda University sa 62-50 pagpulutan sa San Sebastian College-Recoletos.
Nagdagdag si forward Jomel Puno ng double-double na 10 points at 17 rebounds para sa mga bataan ni coach Yuri Escueta.