October 8, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naging bayani sa panalo ng Ateneo de Manila University sa kanilang huling panalo si Shawn Tuano.
Kaya posibleng siya pa rin ang kakapitan nila sa pagharap sa defending champion University of the Philippines sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Malinis sa apat na panalo ang Blue Eagles kaya solo nila ang tuktok ng team standings, habang kasalo ng Fighting Maroons sa No. 4 ang Season 87 runner-up De La Salle Green Archers tangan ang tig 2-2 card.
Nakatakda ang bakbakan ng Ateneo at UP ngayong alas-4:30 ng hapon pagkatapos ng labanan ng National University at Adamson University sa alas-2 ng hapon.
Nagpasiklab sa fourth quarter si Tuano upang akbayan ang Blue Eagles sa 81-74 pagdagit sa Green Archers.
“He hit a couple of big baskets, and the big reason we left Shawn out there was not to hit baskets. The big reason was he’s a good defender and he was making his free throws,” ni Ateneo head coach Tab Baldwin kay Tuano.
Maliban kay Tuano, sasandalan din ng Katipunan-based squad sina Kymani Ladi, Ian Espinosa, at Waki Espina.
Sina Fil-Am Miguel Yniguez, Nigerian forward Francis Nnoruka at senior guard Harold Alarcon ang ipaparada ng Fighting Maroons.
