Yulo isang gold lang sa 2025 SEA Games?


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tila determinado ang host Thailand na mabawi ang Southeast Asian Games overall championship sa Disyembre.

Ito ay dahil sa kanilang mga ginagawang pagbabawas at pagdaragdag sa mga events ng 33rd SEA Games na nakatakda sa Disyembre 9 hanggang 20 sa Bangkok.

Isa sa mga apektado nito ay si 2024 Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo na kumuha ng ginto sa men’s parallel bars at individual all-around noong 2023 edition sa Cambodia.

Inalis kasi ng Thailand organizing committee ang men’s at women’s indivi­dual all-around at team events para sa biennial event.

Base sa revised format, ang isang gymnast ay maaari lamang lumahok sa tatlong qualification events.

Ngunit kung magku-qualify para sa multiple finals ay pipili lamang siya ng isang event na sasabakan.

Dahil dito ay inaasa­hang lalahok lamang ang 25-anyos na si Yulo sa pa­rallel bars sa 2025 Thailand SEA Games.

Noong 2023 Cambodia SEA Games ay kumolekta si Yulo ng dalawang golds sa parallel bars at individual all-around at dalawang silvers sa still rings at team events.

Sa 2021 SEA Games sa Vietnam ay nagbulsa si Yulo ng limang ginto sa floor exercise, vault, horizontal bar, parallel bars, still rings at all-around events.