August 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kukumpletuhin ng PLDT ang pagwalis sa eliminasyon para hatawin ang ika-12 sunod na panalo sa pagharap sa ZUS Coffee sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Magtutuos ang High Speed Hitters at Thunderbelles ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang krusyal na laban ng guest team Kobe Shinwa University sa Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan ng PLDT ang 4-0 baraha kasunod ang Chery Tiggo (3-1), Kobe Shinwa (2-1), Creamline (1-3), Cignal (1-3) at ZUS Coffee (0-3).
Ibinilang sa record sa Invitationals ang resulta sa semifinals ng PVL on Tour.
Nagmula ang High Speed Hitters sa 25-20, 25-22, 25-23 pagwalis sa Japanese squad noong Lunes papasok sa kanilang ikalawang sunod na PVL finals stint matapos pagreynahan ang nakaraang PVL on Tour.
“Kakaiba ‘yung ganitong experience. Happy kami na at least nakakuha kami ng win against Japan,” ani PLDT coach Rald Ricafort sa Kobe Shinwa.
Muling sasandigan ng High Speed Hitters sina Fil-Canadian Savi Davison, PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, rookie Alleiah Malaluan at setter Kim Fajardo.
Isasalang ng Thunderbelles sina Kate Santiago, Caroline Santos, Wielyn Estoque, Fiola Ceballos, Riza Nogales at Gayle Pascual.
Ang ZUS Coffee ang ipinalit sa umatras na 2023 champion Kurashiki Ablaze.
Sa unang laro, lalapit ang Kobe Shinwa sa ikalawang finals berth sa pagsagupa sa HD Spikers.
Sinibak ng Kobe Shinwa ang Cool Smashers, 27-25, 25-23, 23-25, 25-21, sa finals race noong Martes tampok ang 23 points at 12 receptions ni Kokoro Yasuma.
“I am happy with the win and it gives us confidence. Next game, I hope I can still do more,” sabi ni Yasuma na muling makakasama sina Nagisa Komatsuda, Arisu Ishikawa, Reira Miyazaki, Yuia Yamano at setter Sakura Furuta.
Wagi ang Cignal sa huli nilang laro nang lusutan ang ZUS Coffee, 22-25, 25-19, 25-18, 25-19, para sa tsansa sa podium finish matapos mabigo sa bronze medal match sa Creamline sa nakaraang PVL on Tour.
Kung tatalunin ng Japanese squad ang HD Spikers ay magiging ‘do-or-die’ ang laro nila ng Crossovers bukas para sa ikalawa at huling finals spot.
