Eala bagsak sa No. 71 sa WTA Live rankings


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling bumaba si Alex Eala sa live rankings ng Women’s Tennis Association (WTA).

Bagsak sa No. 71 si Eala mula sa kanyang dating puwesto na No. 68 sa listahan.

Malaki ang naging epek­to sa ranking ng Pinay netter ang torneong hindi nito nilahukan — ang Cincinnati Open na isang WTA 1000 event.

Huling nasilayan sa aksyon si Eala sa National Bank Open sa Montreal, Canada kung saan nasibak agad ito sa first round pa lamang laban kay da­ting Wimbledon champion Marketa Vondrousova ng Czech Republic.

Sa naturang laro, nagtamo si Eala ng minor shoulder injury na pangunahing dahilan para mag withdraw ito sa Cincinnati Open.

Ilang araw na nagpa­hinga si Eala upang masigurong nasa magandang kundisyon na ito bago sumabak sa bakbakan.

Sumalang na sa ensayo si Eala sa Rafael Na­dal Academy sa Mallorca, Spain para paghandaan ang kanyang pagsabak sa US Open na magsisimula sa Agosto 24 sa Queens, New York.

Matinding laban ang haharapin ni Eala sa US Open dahil lalahukan ito ng matitikas na players sa mundo kabilang na sina world no. 1 Aryna Sabalenka, reigning Wimbledon champion Iga Swiatek at French Open champion Coco Gauff.

Matapos ang US Open, lalahok si Eala sa SP Open sa São Paulo, Brazil sa Setyembre 8.