August 23, 2025 | 12:00am
Baha na halos sa buong Kamaynilaan, lalo na sa Taft Avenue na daraanan ko sana papunta sa hospital para magpa-check up.
Hanggang sa Manila City Hall ay pinasok na rin ng tubig.
Hindi mo tuloy mapigilang magngitngit sa napabalitang anomalya ng contractors na nakakuha ng kontrata sa flood control.
Ang sarap ng buhay nilang nabiyayaan ng pera ng bayan para sa flood control, pero ang taumbayan ay naghihirap pa rin ngayon dahil sa baha.
May ilang social media posts na napapamura na raw sila sa Bulacan dahil maihi lang daw ang daga lubog na sila sa baha.
Ang dami nilang nag-repost ng interview ni Julius Babao sa contractors na sina Sarah at Curlee Discaya. Nag-trending tuloy ang hashtag #JuliusBabao sa X.
Matindi ang dating ng ipinost ng Pasig City Mayor Vico Sotto, na wala man siyang binanggit na pangalan, obvious na sina Julius Babao at Korina Sanchez ang tinutukoy, dahil ang interviews nila ang ipinakita sa post na ‘yun.
Kaagad na sinagot ito ng dalawang journalists na itinatanggi nila ang makahulugang pahayag ni Mayor Vico na diumano’y tumanggap sila ng P10 million.
Kaagad na itinanggi ni Julius ang ibinintang ni Mayor Vico. At ang executive producer ng Rated Korina na si Ferdie Dugay ay naglabas ng open letter para kay Mayor Vico.
Marami ang pumik-ap sa unang open letter na inilabas nila, pero bigla itong tinake down at may binago sila.
Ang huling statement na inilabas nila ay halos ganun pa rin na kung saan ay nilinaw nila na ang inilabas nilang interview nina Sarah at Curlee Discaya ay dahil sa pinag-uusapan sila na nag-raise ng public interest.
Sabi pa nito, “We do not presume our interviewees as evil nor as angels. Their rags to riches lifestory is their story to tell. It was aired walang dagdag at walang bawas.”
Ilang beses din daw sila humingi ng interview sa Pasig Mayor, pero tinanggihan sila.
Pinagdiinan din nilang wala silang tinanggap na P10M sa interview na ‘yun. “There is no such thing as a P10million placement for an interview. This is simply not true. Malicious insinuations posted on Facebook and which publicly besmirches the reputation of our shows or Ms. Sanchez, clearly constitute cyber libel.”
Sa ganang akin, hindi na kailangan ni Mayor Vico mandamay ng ibang tao sa kung ano man ang gusto niyang sabihin laban sa mga Discaya.
Panalo na rin naman siya at nasa puwesto sa Pasig, ang isyu na ng flood control ang pagtuunan niya.
‘Yung isyu ng ‘envelopmental journalism’ ay ibang usapan na.
Rico yan, trending dahil kay Will Ashley!
Grabe itong fans nina Will Ashley, Bianca de Vera at Dustin Yu, kung gaano sila kasigasig sa pagte-trending sa social media.
Araw-araw na lang ay trending sila sa X, pero lalo na nang na-announce na magkakaroon na sila ng pelikulang collaboration ng Star Cinema, GMA Pictures at Regal Entertainment.
Gagawin nila ang pelikulang Love You So Bad na ididirek ni Mae Cruz-Alviar.
Pero binuhay ng fans nina Will at Dustin si Rico Yan pagkatapos ng announcement ng pelikulang gagawin nila.
Kinumpara nila sa namayapang young heartthrob na si Rico Yan.
Itong pelikulang Love You So Bad ay parang pelikulang Dahil Mahal Na Mahal Kita nina Rico Yan, Claudine Barretto at Diether Ocampo.
Pero nag-react naman ang fans ni Dustin na mas mala-Rico Yan daw ang tsinitong aktor sa mukha lang at ang pangalan daw ni Rico Yan ay Ricardo Carlos, si Dustin naman Dustin Charles na ang English ng Carlos ay Charles.
Basta mai-connect lang nila.
Pero meron ding nag-react na mas kamukha raw ni Michael Sager o ni River Joseph si Rico Yan.
Ayun nag-trending na rin tuloy ang hashtag na #RicoYan!
Ang lakas nga ng dating ngayon ni Will Ashley, kaya ipinasok na rin siya sa Sanggang Dikit FR na napanood na kagabi.
Tingnan natin kung papatok sa takilya anghousemates na sina Will Ashley, Bianca de Vera at Dustin Yu.
