Natutunan sa Alas gagawin ni Gandler sa Cignal


Russel Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ang mga natutunan ni Vanie Gandler sa Alas Pilipinas ang ibabahagi niya sa Cignal HD.

Sa kanyang pagbabalik sa HD Spikers ay umiskor si Gandler ng pitong puntos para makatulong sa kanilang 22-25, 25-19, 25-18, 25-19 paggupo sa ZUS Coffee Thunderbelles sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference noong Lunes.

“Hopefully, my maturity, since I have more exposure now, I can bring that to the team and also teach them the little things I learned and the aggressiveness of being in the national team,” sabi ng 24-anyos na outside hitter.

Nauna nang naglaro si Alas Pilipinas libero Dawn Macandili-Catindig sa 19-25, 13-25, 22-25 pagkatalo ng Cignal sa finalist PLDT noong Sabado.

Kamakailan ay pina­yagan ng Philippine Na­tional Volleyball Federation (PNVF) ang pagbabalik ng mga Alas spikers sa kanilang mga PVL teams.

Kasama rito sina Gandler at Macandili-Ca­tindig na nagpalakas sa tsansa ng HD Spikers na makasampa sa final round ng PVL Invitational Confe­rence.

Miyembro sina Gandler at Macandili-Catindig ng Nationals na sumabak sa nakaraang 2025 SEA V.League Legs 1 at 2 sa Thailand at Vietnam.