September 15, 2025 | 12:00am
More than 10 years ago na pala nang ibasura ang criminal aspect ng kasong tax evasion case ni Judy Ann Santos ng Court of Tax Appeals pero inutusan siyang magbayad ng P3.418 million income tax deficiency sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sa desisyon noon ng Tax Court’s Third Division, ipinaliwanag nila na ang P3.418 million ay kumakatawan sa 2002 income tax deficiency ng actress plus 20 percent delinquency interest na mula 2008 hanggang sa ganap na nabayaran ito.
Kaya naman ang mga celebrity rin ang kabilang sa naalala sa diumano’y malalang corruption ng bansa base sa pag-iimbestiga ng Senado at Kongreso.
Noong Friday ay natanong si Juday tungkol sa kanyang reaction sa isinasagawang imbestigasyon tungkol sa pera ng bayan na diumano’y napunta sa mga maanomalyang proyekto.
Say ng award winning actress, ang bigat daw sa puso kung iisipin lang niya. “Natapos na ‘yung galit ko. Nandun na lang ako sa panghihinayang na parang natatakot ako sa taumbayan sa kung ano ang puwedeng mangyari sa kanila sa ginagawa nilang pakikibaka.
“But, karapatan nila ‘yun e. Hindi natin mapigilan ang galit ng taumbayan.
“Sana, bago nila naisip na hindi ituloy ‘yung proyekto, naisip nila ‘yung maraming buhay na masisira,” komento ng actress sa mga kausap na writer.
May pikon factor aniya lalo na nga at ang isang sigurado sa buhay ng bawat Pinoy ay magbayad ng tax.
“May pikon definitely, kasi ang tagal ko nang nagbabayad ng tax e. And alam ko ‘yun, responsibilidad ko ‘yun, nakasuhan ako.
“But you know, there are things that you have to pay.
“Sana itong nangyayari sa ating bansa ngayon, magiging wake-up call siya sa maraming tao.
“Finally, sana may matutunan tayo dito.
“Ako naniniwala ako hindi naman lalabas ang mga isyung ito kung hindi naman napapanahon e.
“Siguro ginusto talaga ni Lord na paulanin nang paulanin para makita natin kung ano ba talaga ‘yung nangyayari sa bansa natin.
“Nakakalungkot lang kasi maraming buhay ang nawala, maraming buhay ang naapektuhan. Pero ako naniniwala ako, everything really happens for a reason. And ito ‘yung rason, nalaman natin na may mga ganitong nagaganap.
“Hindi naman bago sa atin ang mga pagnanakaw ‘di ba? Hindi naman bago sa gobyerno natin ang mga pangyayaring ‘to. Pero rampant na lang, napakalala. Nakakahiya na tayo,” mahaba pa niyang komento.
Samantala, dalawang libro ang natanggap niya noong Biyernes.
Isa ay galing sa batikang manunulat na si Ricky Lee na inilunsad ang kanyang bagong libro at ang second ay ang libro ng 50 Years of the Metro Manila Film Festival kung saan siya pinagkalooban ng Hall of Famer recognition kasabay ng launching ng nasabing libro ng MMFF.
Pagbabahagi niya sa kanyang post: “2 importanteng libro ang natanggap ko kahapon.. ang isa, galing sa isa sa pinakamamahal kong national artist .. sir ricky lee na may lagda nya. si sir ricky and direk joel lamangan ang unang nagtiwala sa akin na gumanap bilang sabel, isang seryoso at matured na role ang pinagkatiwala nila sa akin.. kaya habang buhay kong tatanawin ang utang na loob na yun sa kanila.
“pangalawang libro.. coffee table book mula sa MMFF at MMDA bilang marka sa 50th year Anniversary.. isang milestone ang naganap sa akin .. ang magawaran bilang youngest hall of famer sa pagka best actress sa mga pelikulang KKK, mindanao at espantaho.. nakalutang pa rin ako hanggang ngayon sa kaligayahan.. pero mananatiling naka apak ang mga paa ko sa lupa.
“Sa lahat ng mga directors, producers, writers at jury ng MMDA AT MMFF.. maraming maraming salamat po.. hindi nyo alam kung gaano nyo tinupad ang mga pangarap ng isang batang nagpapatihulog sa bundok para lang gayahin si julie vega sa pelikula nyang mga mata ni anghelita . Patunay ito.. na walang imposible, kahit napakalaki ng pangarap mo.. basta alam mo ang gusto mo at wala kang tinatapakang mga tao at pantay ang tingin mo sa lahat.. magugulat ka na lang isang araw.. narating mo na pala ang pangarap mo..,” buong post ng actress.
Anyway, hindi lang si Judy Ann ang celebrity na nagkaroon ng problema sa BIR, marami pang iba.
Ayon nga sa isang source, sa kasalukuyan ay si Anne Curtis diumano ang may sini-settle sa BIR.
