Pilipino Star Ngayon
September 25, 2025 | 12:00am
Rollercoaster ng emosyon ang handog ng award-winning drama anthology ng GMA Network na Wish Ko Lang! sa anniversary special nito na pagbibidahan ni Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza kasama si Sam Concepcion.
Napanood ang unang episode nito noong Sept. 20, at sa Sept. 27 ang susunod na episode sa GMA Network.
Ang Blood Control ay kuwento ni Clara (Barbie), isang dalagang ipinanganak na may albinism. Dahil sa kanyang kondisyon, itinago siya ng kanyang malupit na foster mother mula sa mata ng publiko. Pinagsamantalahan din nito ang talento ni Clara sa pananahi – inaangkin nito ang mga obra ni Clara at pinapalabas na siya ang may gawa nito.
Habang unti-unting madidiskubre ni Clara ang madidilim na lihim ng kanyang kinagisnang pamilya, sisikapin din niyang alamin ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkatao.
Makamit kaya ni Clara ang kanyang pinapangarap na malayang buhay kasama ang tinuturing niyang ‘real-life’ prince na si Daniel (Sam)? Magkakatotoo kaya ang inaasam niyang fairytale ending?
Mapapanood ang anniversary special ng Wish Ko Lang!, sa pangunguna ni Vicky Morales, 4:00 p.m. sa GMA Network, at sa official social media accounts ng GMA Public Affairs.
Mapapanood din ito ng Global Pinoys sa GMA Pinoy TV.
