October 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pipilitin ng 141-athlete Team Philippines na malampasan ang nahakot na dalawang gold medals sa Asian Youth Games (AYG) noong 2013.
Kumpiyansa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na magagawa ito ng mga Pinoy athletes sa event na nakatakda sa Oktubre 22 hanggang 31 sa Bahrain.
“We have strong chances at the gold medals in the combat sports, but we’re not discounting production in other fronts,” wika ni Tolentino sa AYG na ikalawang pinakamalaking multi-sport competition sa kontinente matapos ang Asian Games.
Ang nasabing dalawang gintong medalya na napanalunan ng bansa sa 2013 AYG na idinaos sa Nanjing, China ay galing kina Pauline Lopez (taekwondo) at Mia Legaspi (golf).
Dinomina ng China ang Nanjing games sa nahakot na 71 sa kabuuang 231 gold medals kasunod ang Thailand na may 17 golds, habang may 14 ang Singapore.
Nakatakdang magtungo ang unang batch sa Manama sa Oktubre 17 kasunod ang ikalawang grupo sa Oktubre 20.
Sasabak ang mga Pinoy athletes sa 19 sa kabuuang 26 sports na inilatag ng host Bahrain para sa AYG na inlunsad noong 2009 sa Singapore.
