Celeb couple, nagkaroon ng exclusive engagement party sa abroad!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

October 6, 2025 | 12:00am

Naikuwento ng isang kaibigan na nadaluhan niya pala ang exclusive party ng isang celebrity couple na ginanap sa ibang bansa.

Nakiusap ang kaibigan naming huwag nang banggitin kung anong bansa dahil tiyak na mahuhulaan kung sino ang tinutukoy nito.

Hindi niya masabi kung anong party ‘yun. Pero iilang close friends lang daw talaga ang nakadalo, para sa kanilang dalawa.

Maaaring engagement party ng celebrity couple, pero parang isang simpleng wedding gown daw ang suot nito.

Hindi naman daw ‘yun kasal, natitiyak ng aming kaibigan. Pero mala-wedding na raw ang dating. Tipong announcement daw ng pag-level up ng kanilang relasyon.

Malay natin, baka sa mga susunod na araw ay kasalan na!

May picture siya nung celebrity couple na ‘yun, pero ayaw ipakita sa akin ng aming kaibigan.

Saka na lang daw kapag puwede na talang i-announce kung ano ang plano nilang magkasintahan.

Maingat na maingat daw kasing huwag lumabas ang kanilang litrato, dahil wala pa talaga silang inaamin kung ano ang kanilang plano.

Double ni Uge, may launching movie na

Dinagsa pa rin ng maraming manood at talagang crowd ng indie films ang 21st Cinemalaya Independent Film Festival na ginanap sa Shangri-La Mall.

Opening film nung Biyernes ang Indian film na pinamagatang The Elysian Field.

Noong Sabado nagsimula ang screening ng 10 full length films na kasali sa naturang independent film festival. May dalawang set din ng short films na ipinapalabas din sa mga sinehan.

Bukod sa Shangri-La cinemas, showing din ang indie films at short films na kasali sa Ayala Malls Manila Bay, Ayala Malls Circuit at Gateway.

Una naming pinanood ang entry ni Renei Dimla na Republika ng Pipolipinas na pinagbidahan ng character at stage actress na si Geraldine Villamil. Suportado siya ni Alessandra de Rossi, Chad Kinis at iba pang stage at character actors.

Ikinuwento ng nagsulat at nagdirek nitong si Renei Dimla na sinubukan daw niyang tawagan ang Malacañang para maging reference niya sa sinusulat niyang pelikula. Waley!

Wala raw talaga siyang natanggap na sagot. “Kaya itong pelikulang ito ang sagot ko sa ‘di nila pagpansin sa tawag ko,” saad ng writer at director nitong pelikula.

Very timely ang mockumentary film na ito sa hinaharap nating isyu ng corruption.

Hindi pa raw pinag-uusapan itong isyu ng corruption nang ginagawa nila itong pelikula.

Bandang first quarter of this year daw sila nag-shoot, pero kung panonoorin mo ang naturang Cinemalaya entry, tamang-tama talaga ang mga patutsada nila sa gobyerno. “Nag-research ako, kasi hindi ko alam ‘yung tungkol sa garbage ng Korea, isyu ng land grabbing sa probinsya.

“E si Renei Dimla, nangyari talaga sa kanila. So, binigyan niya ako ng input. Kaya nung naintindihan ko na siya, in my own little way ‘di ba? At least makaka-contribute ako sa information dissemination na may nangyayaring ganito,” pakli ni Geraldine.

Magaling dito si Geraldine at pati mga sumuporta sa kanya, lalo na si Alessandra na nahirapan nga raw siya na gampanan mismo ang sarili niya.

Malaking break kay Geraldine Villamil ang pelikulang ito.

Natawa na lang nga siya nang sinabi naming parang launching movie na niya ito bilang isang lead actress.

Ni sa hinagap ay hindi niya naisip na maging bida siya, dahil bukod sa character roles na ginagampanan niya, siya pala ang laging nagdo-double kay Eugene Domingo sa mga pelikula niya.

Si direk Roman Perez na executive producer nitong pelikula pa ang nagkuwento sa amin.

Hindi ito binanggit ni Geraldine, pero ikinumpara namin siya kay Uge na baka maging ganun ang path na tatahakin niya. Baka maging lead actress na rin siya kagaya ni Uge pagkatapos nito.

Pero naisip ba niyang puwedeng siya ang susunod na Eugene Domingo? “Bibidahin na? Masarap naman talaga gumawa ng magandang material. Bida o support. Masarap talagang umarte,” simpleng sagot niya.

Sana nga suportahan din siya ni Eugene Domingo.

Hanggang sa Oct. 12 pa ang Cinemalaya at marami pang magagandang full length films na pwedeng habulin natin sa mga sinehan.

Ang Padamlagan na pinagbidahan ni Ely Buendia, Child No. 82 nina JM Ibarra at Vhong Navarro, Paglilitis nina Rissey Reyes-Robinson, Eula Valdez at Jackie Lou Blanco, Cinemartyrs nina Cedrick Juan at Angel Aquino, Raging ni Elijah Canlas, Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan ni Zanjoe Marudo, Warla ni KaladKaren, at Open Endings ni Janella Salvador, at ang docu film Bloom Where You Are Planted.