Pasig City idedepensa ang Batang Pinoy crown


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 24, 2025 | 3:56pm

GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Bubuksan ng Pasig City ang kanilang title defense sa paghataw ng 2025 Batang Pinoy dito sa Acharon Sports Complex sa Sabado, Octubre 25.

Inagaw ng mga bataan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang korona sa four-time champions Baguio City noong 2024 edition na idinaos sa Puerto Princesa City, Palawan.

Humakot ang mga Pasig City athletes ng 105 gold, 64 silver at 116 bronze medals kasunod ang Baguio City (92-72-89), Quezon City (59-55-53), Davao City (39-44-37) at General Santos City (36-30-40).

Kabuuang 675 ateta ang ipinadala ng Pasig City para sa hangad na back-to-back championship sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Sasalang ang humigit-kumulang 15,000 atleta sa kabuuang 27 sports ng annual sports meet para sa mga batang may edad 17-anyos pababa.

Ang mga ito ay ang aquatics-swimming, archery, arnis, athletics, badminton, basketball (3×3), boxing, chess, cycling, dancesport, futsal, gymnastics, jiu-jitsu, judo, kickboxing, karate, muay, pencak silat, sepak takraw, soft tennis, tennis, table tennis, taekwondo, volleyball, weightlifting, wrestling at wushu.

Unang sisimulan ang mga labanan sa badminton, boxing, chess, futsal, aerobics at tennis.