November 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Matagal nang bumabandera si June Mar Fajardo sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa mga malalaking international tournaments.
Ilang taon na rin nitong natulungan ang Gilas na makamit ang tagumpay sa mga nakalipas na torneo.
At sa edad na 35-anyos, handa na si Fajardo na ipasa ang baton sa mga mas batang miyembro ng Gilas Pilipinas upang sila naman ang mabigyan ng sapat na exposure.
Partikular na tinukoy ni Fajardo sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown gayundin sina Dwight Ramos, AJ Edu, Kevin Quiambao at Carl Tamayo na ‘future’ ng Gilas Pilipinas.
“Puwede nang ibigay sa mga bata. Sila na ang future. Dapat mga bata na yung tine-train para sa future ng national team,” ani Fajardo.
Aminado si Fajardo na ilang laro na lamang ito bago tuluyang lisanin ang Gilas Pilipinas.
At sa pag-alis nito sa national team, tiwala si Fajardo na maraming pupuno sa kanyang maiiwang puwesto dahil na rin sa lalim ng lineup ng Gilas Pilipinas.
“Tingin ko malapit na ako (mag-retire). Nandiyan naman sila Kai na, yung mga bata sila na ‘yung national team. Dapat ipasa na sa kanila, di ba? Para sa future ng national team,” ani Fajardo.
Bago pa man dumating sa pagreretiro, nais ni Fajardo na namnamin na ang bawat pagkakataon na muli nitong masuot ang Gilas Pilipinas jersey.
At ang pagkakataon na makasama sa loob ng court ang mga bagong henerasyon ng Gilas Pilipinas.
Sasabak ang Gilas Pilipinas sa first window ng FIBA World Cup Qualifiers simula sa Nobyembre 28 laban sa Guam.
