San Sebastian isusunod ng Mapua


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 18, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na rat­sada ang hangad ng nag­dedepensang Mapua University sa pagharap sa San Sebastian College-Re­coletos sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.

Sasagupain ng Cardinals ang Stags ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang bakbakan ng Season 100 runner-up St. Be­nilde Bla­zers at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2:30 ng hapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Nangunguna ang Per­pe­tual Altas sa Group A ha­wak ang 8-4 kartada ka­sunod ang Cardinals (6-5), Arellano Chiefs (5-6), Ly­ceum Pirates (3-8) at Stags (3-9).

Solo ng San Beda Red Lions ang liderato sa Group B bitbit ang 8-3 baraha sa itaas ng Blazers (7-4), Letran Knights (7-5), Heavy Bombers (6-6) at Emilio Aguinaldo College Gene­rals (4-7).

Magkasunod na tinalo ng Mapua ang Lyceum, 78-73, at Perpetual, 77-61, para kapitan ang se­cond place sa Group A.

Laglag naman ang San Sebastian sa dalawang di­kit na kamalasan matapos yumukod sa Arellano, 71-78, at sa Lyceum, 74-88.