Walang napipisil na reunion project…Juday, maligaya sa mga narating ni Papa P


Ilang taon nang usap-usapan ang tungkol sa posibilidad na muling pagtatambal nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual sa isang proyekto.

Para sa aktres ay kailangan lamang pumili ng isang magandang materyal upang matuloy ang muli nilang pagtatrabaho ni Piolo. “Hindi ko alam, para sa akin, napakahirap makahanap ng magandang materyal na hindi makikitaan ng comparison or hindi maiisip na, ‘Ah ginaya ito’ sa ganito, ‘yung original na concept,” paglalahad ni Judy Ann sa YouTube channel ni Maricel Soriano.

Ayon sa aktres ay marami ng konsepto ang nai-present sa kanya pero wala pa siyang napili o nagustuhan sa mga ito. “Marami naman pini-present na mga istorya sa akin or probably kay Piolo rin pero palagi akong may napagbabasehang ibang pelikula. Palaging may gano’n, For me it should be a very original concept that’s worth it,” giit niya.

Huling nagkatambal sina Juday at Piolo sa pelikulang Don’t Give Us On Us noong 2006.

Kung hindi man matuloy ang reunion project ng dalawa ay masaya naman umano ang aktres para sa narating ni Piolo. “Hindi ko rin naman sinasabi na it will not happen. It’s just hard to say kung kailan siya mangyayari kasi kailangan ‘yung materyal mismo. Mula director hanggang production company, writer and all, kailangan worth it. Kailangan okay na okay talaga ‘yung materyal. I’m happy for Piolo na ang dami niyang nagagawa ngayon. Ang layo nang narating niya. Okay na ako na naging part ako ng career niya,” pagtatapos ng aktres.

Janine, inaming ibang-iba ang bagong gagawin nila ni Echo

Isang bagong serye ang muling pagtatambalan nina Janine Gutierrez at Jericho Rosales.

Para sa aktres ay ibang-iba ang tema ng kanilang proyekto ngayon kumpara sa Lavender Fields na talaga namang tinangkilik ng mga manonood. “Iba siya, excited ako to share more with you kapag pwede na pero I’ll be working with people na never ko pang naka-work. And then siyempre sa Lavender Fields kasi parang umpisa pa lang kasi magkaaway na kami ni Tyrone na character ni Echo. Dito ibang kwento naman ang tatahakin. Actually, hindi ko pa masyadong maipaliwanag pero bago siya,” nakangi­ting pahayag ni Janine.

Kahit abala sa kabi-kabilang trabaho ay sinisikap ng dalaga na palagi pa ring alagaan ang sarili.

Mahalaga para kay Janine ang pagkakaroon ng magandang balat bilang isang artista. “Para sa akin kasi sobrang self-care rin talaga ‘yung skin care. At the end of a busy day, parang reward ko sa sarili ko na malinis ‘yung mukha ko and I feel moisturized then mas nakaka-happy when you see results,” pagbabahagi ng aktres.

Nakararamdam umano ng pressure si Janine sa tuwing lalabas sa publiko.

Kinakailangan kasi na palaging maayos o maganda ang hitsura ng aktres sa tuwing haharap sa madla. “Oo, lalo na when I was younger. So kapag mga gano’n, iniisip ko ‘yung mga younger than me. ‘Yung mga nag-uumpisa pa lang sa trabaho or sa school na talagang kinalakihan na ‘yung social media and grabe talaga ‘yung comments ng mga tao, comparing you or ‘yung expectation sa itsura mo,” paliwanag ng dalaga. — Reports from JCC