Maymay dasal ang hiling para sa dalawang nanay na may sakit, ama nakita nung 1 year old lang siya


Dasal ang request ni Maymay Entrata at hindi awa para sa kanyang dalawang kinikilalang ina, ang biological mom niya na isang OFW sa Japan at ang kanyang lola.

Parehong may pinagdaraanan ang dalawang importante sa kanyang buhay. May cancer ang kanyang ina at ito ang rason kaya pabalik-balik siya sa Japan at inactive siya sa kanyang career for two years now.

Napaiyak siya kahapon sa Spotlight presscon ng Star Magic.

Inumpisahan niya ito nang sabihin na hindi siya ok pero ok rin, nasa middle lang aniya.

“‘Yung totoo galing lang ako sa hospital kasi nga… please kapag sasabihin ko ito, ‘wag n’yo pong kaawaan. I just need your prayers, ‘yun lang,” sabi niya nang tanungin ni DJ Ho, host ng presscon, kung ano ‘yung hindi masyadong ok.

“Sa lahat ayokong mag-open up, ayoko ‘yung parang may awang… but I know it will help din para malaman n’yo kung saan ako nanggaling…

“‘Yung nanay ko matagal nang may cancer, almost two years na, kaya pabalik-balik ako sa Japan. Ngayon isa na lang sa pinakapinasasalamatan ko ay nakauwi siya two months ago. Everyday talagang nitake time ko na hangga’t maaari po ay andyan ako kasama ko siya. Kagabi lang sinugod na naman namin siya sa hospital,” hanggang hindi na napigilan ni Maymay ang kanyang pagluha.

“Well ngayon kaya sinabi ko na hindi ako ok, at hindi naman super ok andito lang ako (sa kalagitnaan). Kasi ‘yung time na hindi ako ok, nalampasan ko ‘yun sa tulong ng Panginoon. ‘Yung acceptance kumbaga at andito sa point hangga’t may oras ako na makapiling ko ang dalawang nanay ko gagawin ko. Palipat-lipat ako sa Japan… kung kailangang gawin, gagawin ko ulit ‘yun,” pahayag niya pa habang nagpupunas ng kanyang  luha.

“Sobrang mahal na mahal ko sila,” ulit niya.

Sa kasalukuyan ay ok na siya lalo na at nakauwi na ang kanyang inang may sakit sa Pilipinas.

“Hindi ko pa rin masasabi na ok, o sobrang ok, ok lang. Ahh pero mas ok lang na nasa mid lang ako. At least kahit papaano, andun ‘yung kapayapaan sa puso ko. Mas naiintindihan ko ano ang nangyayari sa paligid ko. Kontralado ko kung ano ang kailangan kong kontrolin. Ano ang mga kaya kong gawin, lalo na ‘yung emosyon ko.

“Ahh sa totoo lang po, these past two years sa buhay ko, kagaya nung sinabi n’yo, kung anong nakikita n’yo, happy happy lang pero lahat naman tayo ay may pinagdaraanan at masasabi ko na isa ito sa pinakamalaking challenges sa buhay ko kasi siyempre dalawa sa nanay ko ‘yung may pinagdaraanan (umiyak na).

“Tapos ang hirap lang po kasi, dahil hindi ko masabi-sabi kasi una, hindi naman ako ang tipo ng tao na parang nagsi-share sa mga personal stuff ko, lagi akong naglalagay ng wall, ‘pag trabaho, trabaho lang.

“Parang talagang as much as possible ayokong madamay mga taong pinasasaya ko, pero at the same time, the more I do it na parang, hinintay ko na sabihin ang nararamdaman ko talaga for the past two years, ako pala ‘yung mahirap din pala. Kasi isa sa way na parang mawala ‘yung bigat na nararamdaman natin ay magpapakatotoo, ‘yung buong ako, ‘yung nararamdaman ko, on cam and off cam.

“Malaking bagay sa akin na nagtatanong na kumusta ka na.”

Pero aminado siyang hindi madali ang lahat, mahirap sabi pa niya.

“Sobrang hirap, (umiyak pa rin siya), sabay ang dalawang nanay ko ang nagkasakit. but I thank God talaga, sa support ng friends ko, pamilya ko, mga boss ko, every time na umabot sa point na hindi ako ok o ‘di ko na nakakayanan, lagi silang andyan para suportahan ako.

“So ‘yun ang dahilan kung bakit on and off ako sa showbiz these past two years,” sabi pa ng Amakabogera singer.

Dagdag pa niya nang makausap namin after the presscon : “Mahirap po, mahirap po lalo na at ako ang nagli-lead sa family, ako ang breadwinner for 10 years na rin.

“Mahirap pero kung tutuusin po, wala namang madali sa buhay parang dinesign naman ang mundo natin ng may challenges.

“So nagma-matter lang talaga sa choices mo, kakayanin mo or susuko ka. So I chose to fight, not just for me but for my family.

At sa Diyos siya kumakapit ng mahigpit. “Sa dasal. Hindi ko na-imagine ang buhay ko na wala akong sinu-surrender. Kasi, you cannot control… ‘yung doubts natin, ‘yung worries natin, I have someone na kontrolado niya lahat, which is si God.”

At kung kapiling niya ang inang nakikipaglaban sa sakit, ang ama niya naman ay one year old pa siya nang huli niya itong makasama.

Pero aniya ay wala siyang kahit kaunting sama ng loob dito.

“Kung nasaan man siya ngayon, sana ay nasa mabuting kalagayan siya. Wala naman akong hatred, wala akong mabigat na nararamdaman sa kanya. Kasi lumaki naman akong may tatay, ‘yung lolo ko. Kaya kung gusto niyang makita ako, ok ako. kung hindi rerespetuhin ko ‘yun.”

Nag-effort ba siya na hanapin siya?

“Hindi rin po, kung hahanapin ko siya without his permission, baka he will feel disrespect. Siya naman ang umalis.”

Pero may balita ba siya kung nasaan siya?

“Wala rin po.”