Ilang araw ring nagte-trending ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab pagkatapos ng nomination. Tatlong pares na naman ang nangangailangan ng boto, para manatili sila sa Bahay Ni Kuya.
Pero nag-react nang husto ang netizens sa automatic nomination sa duo nina Shuvee Etrata at Bianca de Vera.
May nagawang violations si Shuvee dahil sa hindi nito pagsuot ng lapel at ang pagkabasa nito nang tinulungan niya si Klarisse de Guzman na lasing na tumalon sa swimming pool.
Sobrang sama ng loob ng mga supporter ni Shuvee dahil sa tumulong lang naman siya. Ang instinct niya ay tulungan agad si Klarisse nang tumalon ito sa pool, at hindi na napansing suot ang kanyang lapel.
Nag-iiyak si Shuvee dahil nadamay pa sa nominasyon si Bianca, at puwede pa silang mapalabas sa darating na Eviction Night.
Pero tanggap ito ni Bianca, at ang ganda nga ng sinabi niya kay Shuvee na, “The violation was made hindi basta-basta lang, you did it because you were worried of Ate Klang. The violation wasn’t coming from a place of pain, it came from a place of love.”
Kaya lalo silang minahal ng netizens, at talagang nangampanya silang iboto para hindi ma-evict.
Ang iba pang nominado ay ang duo nina Xyriel Manabat at Dustin Yu, at sina Ralph de Leon at Josh Ford.
Sabi nila, baka naubos na raw ang funds sa kaboboto kay Ralph, dahil tuwing nominasyon ay kasama siya. Kaya abangan natin kung sino ang magpapaalam sa darating na Sabado.
Matt at Daniela, nag-bonding ng 12 oras!
Ang isa pa sa sikat ngayon na housemate ay si Esnyr Ranollo, at siya nga ang hinuhulaang magwawagi. Tamang-tama naman na kasali pala si Esnyr sa pelikulang The Last Goodbye ng Mavx Productions na mag-showing na ngayong araw.
Isa ito sa Love Notes ni Joe D’ Mango, na bagay pa rin sa mga kabataan ngayon. Bida sa pelikula sina Matt Lozano at Daniela Stranner na bagay naman silang dalawa sa totoo lang.
Nanghinayang nga sina Matt at Daniela na hindi nila kasama ang sikat na vlogger sa pag-promote ng pelikulang ito dahil nasa PBB pa ito. Pero ang cute naman ng pelikula at bumagay kay Matt ang role, at ganundin kay Daniela na magaling palang umarte.
“Super very light and a very nostalgic movie,” pakli ni Daniela.
Sabi naman ni Matt, hindi raw siya gaanong nahirapan sa role niya rito dahil parang naka-relate naman daw siya.
“Hindi naman ako masyadong nahirapan kasi medyo malapit naman sa personality ko ‘yung character, and ang sarap sa pakiramdam kasi si Daniela. She’s very open. So, komportable agad ako,” pakli ni Matt na magaling din at ang cute-cute niyang mataba sa pelikulang ito.
Hindi raw sila nag-workshop para maging komportable sa isa’t isa kundi, magkasama raw silang nagbiyahe patungong Bicol para mag-bonding sila sa sasakyan. “Hindi kami nag-fly going to Bicol. Nag-van ride kami. So, 12 hours kaming magkasama sa van and then dun na kami nagkakilala.
“Nakikita naman si Matt is such a sweet guy and all that. Ang dating sa akin is magkasing-age, super vibes kami. Ang bilis namin magka-vibe.”
Kinunan ang kabuuan ng pelikula sa Daet, Camarines Norte, at ito ang maganda sa Mavx dahil naipapakita ang ganda ng Pilipinas.
Bukod kay Esnyr, kasama rin nina Matt at Daniela rito sina Arlene Muhlach, Lui Villaruz, Karina Bautista, Bodgie Pascua, Zweden Obias, Rolando Sulit, at dinirek ni Noah Tonga.
