Hindi lang napapabalita, pero pinag-uusapan ng ilang kakilala sa showbiz ang nangyaring scam sa isang sikat na aktor.
Ako ang pinagtanungan kung anong scam ang nangyari kay sikat na aktor na sobrang ikinalungkot niya nang husto.
Nagtanong ang isang kaibigan kung investment scam ba ito na ikina-depress daw ng aktor.
Sobrang laki raw ng nakuha sa kanya, pero iniiwasan na raw niyang pag-usapan.
May isa rin kasing investment scam na matagal na ring pinag-usapan, na kung saan mga bigating pangalan sa showbiz ang nabiktima.
Isang negosyante na pinasok na rin ang film production ang narinig naming halos P200 million daw ang na-invest nito dahil sa malapit na kaibigan nito ang nagkumbinse sa kanyang pasukin ito.
Maganda kasi ang unang resulta kaya nakumbinseng dagdagan pa, kaya lumaki na ito.
Ang laki ng mga perang involved, at walang katiyakan kung maibabalik ba ang ipinuhunan.
Pero sa ngayon ay inaalam pa namin kung anong scam itong kinasangkutan ng sikat na aktor na naging dahilan ng ikina-depress niya nang husto.
Liza, nagpasalamat kay Mommy Caring
Nakakagulat ang balitang pagpanaw ng ina ni Ice Seguerra na si Mommy Caring.
Kilalang-kilala si Mommy Caring sa showbiz, lalo nung kabataan ni Ice na isang super sikat na Aiza Seguerra pa siya noon.
Magaling makisama si Mommy Caring lalo na sa showbiz press, kaya malaki rin talaga ang naging bahagi niya sa showbiz career ni Ice.
Kaya nagulat ang karamihan sa showbiz dahil kamakailan lang ay dumalo siya sa birthday celebration ni Liza Diño, ang asawa ni Ice.
Ang saya-saya pa raw niya roon lalo nung naka-drag na nag-perform ang kanyang anak.
Bahagi ng Facebook post ni Liza Diño, “Parang nung isang araw lang, nandun ka pa sa Rampa, nakangiti, nagce-celebrate, nakiki-party sa birthday ko, kumpleto sa energy, ready pa ring sumayaw. Napakasigla mo pa nun. Kaya ang bigla-bigla po nito. Ang hirap tanggapin.”
Nagpasalamat si Liza sa pagmamahal sa kanya ni Mommy Caring na para na rin niyang anak.
Hinangaan din niya kung paano niya minahal si Ice at sinuportahan ang career nito, mula pa nung child star pa siya.
Pero parang ang hirap pa rin daw talaga kay Liza na tanggapin itong pagpanaw ng kanyang mother-in-law.
Sabi pa sa FB post ni Liza, “Hindi ko pa talaga matanggap pero ito ang pangako ko; I’ll take care of Ice. I’ll love him the way you loved him, fiercely, faithfully, and without question. I’ll guard our family with the same strength and presence you gave us all these years.”
Sa announcement na inilabas ni Ice Seguerra, hindi inilahad kung ano ang dahilan ng pagpanaw ng kanyang ina.
Kokoy, nami-miss ang laplapan!
Sinuportahan ng mga taga-movie industry ang Philippine premiere ng pelikulang Some Nights I Feel Like Walking ni direk Petersen Vargas sa QCinema Rainbow Pride Film Festival na ginanap sa Gateway Cinema nung nakaraang Huwebes.
Dumalo ang main cast ng naturang pelikula na sina Jomari Angeles, Tommy Alejandrino, Argel Saycon at ang baguhang si Miguel Odron.
Wala lang doon si Gold Aceron na mahalaga rin ang role sa pelikula.
Pang-pride month ang pelikula, pero madrama at mabigat sa dibdib ang kuwento.
Nakakatuwa, dahil dumalo para sumuporta sa pelikulang ito ang mga kinikilalang laging involved sa indie films.
Namataan namin doon sina direk Dan Villegas, Lino Cayetano, pati sina Dolly de Leon, Ruby Ruiz, Kokoy de Santos, ang magkasintahang Khalil Ramos at Gabbi Garcia.
Sabi nga ni Kokoy nang makatsikahan namin pagkatapos ng screening, bigla raw niyang na-miss ang mga ginagawa niyang indie films noon.
May talagang torrid kissing scene sa pelikulang ito sina Jomari at si Miguel, kaya biniro ko pa si Kokoy kung gusto pa rin ba niyang gawin ang ganung klaseng pelikula.
“Nami-miss ko na nga e,” bulalas ni Kokoy.
Open ba siyang gumawa ng ganun pa ring klase ng pelikula.
“Ang Sparkle lang naman ang kailangang kausapin e. Ako pa ba?” sabi pa niya.
Hindi naman daw siya pinagbabawalan, medyo bawasan lang daw na gumawa ng ganung klaseng pelikula.
Sobrang tuwa ni Jomari dahil ito ang pelikulang siya na raw talaga ang bida rito.
Alam daw niya kasi kung sino talaga ang gusto nilang kunin sa role na ito e. Pero hindi natuloy, kaya nagpa-audition sa bidang role na ‘yun at siya ang napili.
Iba raw pala talaga ang pressure kapag bida ka sa isang pelikula.
Pagkatapos ng screening ay hindi pa raw siya makapaniwalang pinuri siya roon. Lalo nung nilapitan pa raw siya ni Dolly de Leon at binati siya.
Umikot sa iba’t-ibang international film festivals ang Some Nights I Feel Like Walking. Nadaluhan pa ito ni Jomari sa Tallin International Film Festival sa Estonia at isa pang filmfest sa Singapore.