Gary, iba ang bagong karanasan sa entablado


Muling nakabilang si Gary Valenciano sa stage play na Joseph the Dreamer. Ginampanan ng beteranong singer ang karakter ni Jacob sa naturang musical na siyang ama naman ni Sam Concepcion at Jordan Andrews bilang si Joseph.

Para kay Gary ay napapanahon lamang na muli siyang nakabalik sa teatro upang gampanan ang isang napakaimportanteng papel. “’Yung musical na ‘to, happening at this particular time with so much going on with the world and so much going on sa foundation ng family. I think it’s timely that we did this. So hopefully this will not be the last of its kind that I can do in the future,” nakangiting pahayag ni Gary.

Mayroon umanong mga natanggihang show si Mr. Pure Energy upang magawa lamang ang stage musical na nagtapos noong Linggo. Matatandaang gumanap din si Gary bilang si Joseph ilang dekada na ang nakalilipas sa stage play. “It’s about doing what’s timely and what I feel is going to really have an impact on people. Either when they watch it or later on when they remember it. I’m just thankful na it’s never the same. Just as it’s never the same audience. It’s also never the exact same performance,” giit ng singer

Para kay Gary ay talagang kakaibang karanasan ang natunghayan ng mga nanood ng naturang musical play. Siniguro ng singer-actor na mayroong nakuhang aral ang nakapanood ng Joseph the Dreamer. “God is using you to remind me that there is hope even for the worse of us. Even if you feel guilty na ikaw may kasalanan, ikaw may kagagawan ng gulo, there is still hope for you na makabawi. Joseph is the perfect example of that,” makahulugang pagtatapos ni Mr. Pure Energy.

Shuvee malapit nang maipatayo ang dream house

Masayang-masaya si Shuvee Etrata dahil unti-unti nang natutupad ang mga pinapangarap lamang noon. Ayon sa Kapuso actress ay makapagpapagawa na siya ngayon ng isang bagong bahay para sa pamilya.

Malaki ang pasasalamat ni Shuvee dahil malaki ang naitulong sa kanya nang pagiging housemate ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. “Maraming-maraming salamat po. Malapit nang mapatayo ang aking dream house because of PBB. I truly feel like a winner,” nakangiting pahayag ni Shuvee.

Ngayon ay mapapabilang din ang dalaga sa isang bagong serye na pagbibidahan ni Dingdong Dantes. Makakasama rin ang kapwa-housemate ni Shuvee na si Charlie Fleming sa bagong proyekto ng GMA Network.  Para kay Shuvee ay sobrang laking tulong ang nagawa ng naturang reality show sa kanyang karera. “Abangan n’yo po, at dahil sa PBB, nagkaroon po tayo ng teleserye with Kuya Dingdong. So abangan n’yo po, Master Cutter,” pagbabahagi ng Kapuso actress. — Reports from JCC