Anne nasa France para sa fashion week, anti-corruption rally ng mga artista may resulta ba?


SHOW-MY — Salve Asis — Pilipino Star Ngayon

October 1, 2025 | 12:00am

From rally to Paris si Anne Curtis. Kasalukuyan nga siyang nasa France para sa Paris Fashion Week.

Pero ang hinihintay talaga ng marami ngayon ay kung anong resulta ng sinamahang rally niya against corruption na ginanap two weeks ago.

Ano nga bang epekto at resulta nu’n sa ginaganap na imbestigasyon sa mga nawawalang kaban ng bayan?

Samantala, nadala si Anne kay Carlo Aquino at ipinahayag din niya kung gaano siya ka-proud sa ginawa nilang serye at kung paano nila binida ang ganda ng Pilipinas.

“Naging mahaba-haba rin ang journey namin, mula sa pagshoot sa iba’t ibang parte ng Pilipinas tulad ng Dumaguete, Bacolod, at Iloilo. Isang bagay na ipinagmamalaki namin ay hindi lang namin naipakita ang kagandahan ng bansa kundi pati na rin ang kulturang Pilipino, lalo na tungkol sa pamilya,” ani Anne.

Hindi rin napigilan ni Carlo na maging emosyonal sa finale media conference ng kanilang hit Philippine adaptation na It’s Okay To Not Be Okay kamakailan.

“Mula pa noong July nung nakaraang taon, magkasama na kami. Hindi ako sanay magpaalam dahil sobrang mahal ko na talaga itong team — at sobrang mahal ko rin ang show na ito,” pagbabahagi pa ni Carlo.

Nagbahagi rin ng kanilang karanasan ang young stars na sina Kaori Oinuma at Xyriel Manabat tungkol sa suporta na natanggap nila mula sa kanilang co-stars.

Inalala ni Kaori ang kanyang naging final scene kasama si Anne. “Bago mag-take, nagpaalam muna ako kay Ate Anne, kasi kailangan sa eksena na sabunutan ko siya. Hindi ko alam kung paano ko ‘yun gagawin kasi ang bigat ng mga eksena, at maraming emosyon. Salamat sa tulong nina Ate Anne at Direk, nagawa ko naman,” sabi niya.

Ibinahagi naman ni Xyriel kung paano nag-work ang tandem nila ni Enchong Dee.

“Nung umpisa, lagi kaming kinakabahan ni Kuya Enchong, hindi namin alam kung tama o maayos ba ginagawa namin. Pero katagalan, nag-click lang talaga kami, at siguro ‘yung bond namin ‘yung nakatulong para magawa ‘yun,” saad niya.

Nagpahayag din ng pasasalamat sa mga nanonood ang iba pang cast members kabilang sina Enchong Dee, Maricel Laxa, Agot Isidro, Bodjie Pascua, Bobot Mortiz, Louise Abuel, Alyssa Muhlach, Aljon Mendoza, at Ana Abad Santos. Patuloy kasing kabilang ang serye sa Top 10 most-watched shows sa Netflix Philippines.

Habang nalalapit na ang pagtatapos ng serye, pakaabangan ang matagal nang pinakahihintay na mga rebelasyon — kabilang na ang katotohanan sa likod ng buhay ni Mia at ang misteryo sa pagkawala ni Ingrid.