Barbie, multo pa lang ang manliligaw


Kontrobersyal ang naging hiwalayan nina Barbie Forteza at Jak Ro­berto ilang buwan na ang nakalilipas. Tumagal ng pitong taon ang relasyon ng dating magkasintahan. Ngayon ay wala pa umanong bagong manliligaw ang Kapuso actress. “Hindi naman ako strict about it. Kung may magpaparamdam, wala namang problema. Pero sa ngayon, multo pa lang ‘yung nagpaparamdam kasi sa akin,” natatawang pahayag ni Barbie sa 24 Oras.

Puspusan nang muli ang ginagawang trabaho ngayon ng dalaga para sa Beauty Empire na malapit nang mapanood sa Kapuso Network. Kasamahang bida ni Barbie sa bagong serye sina Kyline Alcantara, Ruffa Gutierrez, Gloria Diaz at Sam Concepcion. “Masaya kasi nakikita ko na lahat talaga kami very efficient. Napakabait at napaka-down to earth ng isang Miss Ruffa Gutierrez. Ang hindi ko ikinagulat siyempre, ang husay sa pag-arte ng Kyline Alcantara. Pero ngayon, masasabi ko na mas naging close talaga kami ni Kyline at mas naging maganda ang aming pagkakaibigan dahil dito sa show na ito,” pagbabahagi ng Kapuso actress.

Abala man sa taping ng naturang serye ay aktibo rin ngayon si Barbie bilang ambassador ng Save the Children Philippines. Isa rin si David Licauco sa mga ambassador ng naturang organisasyon. “Parehas kami, lalo na siya, ‘yung kanyang mindset towards leadership, iba rin talaga eh. Parehas kami ng goal at mindset when it comes to giving the children the improved environment and education and knowledge towards everything in life talaga. I am blessed with this kind of profession and platform bilang aktor at bilang artista to influence and inspire other people to raise awareness, and to join Save the Children Philippines because together, we will be able to provide the proper education, safe environment, livelihood, proper guidance for our future leaders and game changers,” makahulugang pahayag ng dalaga.

Mylene, istrikta sa mga anak

Dalawang lalaki ang naging anak nina Mylene Dizon at Paolo Paraiso. Bilang single mom ay istrikta umano ang aktres sa kanilang mga supling ng aktor. “I’m a disciplinarian. I’m a mother of boys and I’ve dated many men. Hindi naman gano’n kadami but I’ve dated men. I know some men who don’t know anything about life or don’t know how to navigate their lives because they were too spoiled. I don’t want my children to end up that way. I want them na maging maayos bago ko sila pakawalan. ‘Pag pinakawalan ko sila, gusto ko lahat nang tinuturo ko sa kanila nandiyan pa rin, naririnig pa rin nila ako,” paliwanag ni Mylene sa YouTube channel ni Bernadette Sembrano.

Para sa aktres ay mas mahalaga na mabigyan niya ng magandang edukasyon ang mga anak na sina Tomas at Lucas. “I’m able to give my children the best education my money can buy. Kahit ilang Chanel pa ‘yan, no, do’n ako sa education nila. Tapos bahala na sila sa buhay nila. Gigil ako because that’s the only thing I can give. Sige, I can give them five million. What are they going to do with that if they don’t know what to do with it. How to manage it? At saka ‘yon lang talaga ang kaya kong ibigay literally,” giit niya.

Ngayon pa lamang ay sinasabi na ni Mylene na wala siyang maipamamanang ari-arian sa mga anak. Mas gusto ng aktres na makapagpundar ang dalawang anak sa sariling pagsisikap. “Ang policy ko naman talaga sa pamilya ko, hindi ako magpapamana sa mga anak ko. I want them to make it on their own. Ang tatalino ng mga anak ko, mga scholar ‘yon. Alam nila na ‘yon lang ang mapapamana ko sa kanila,” pagtatapat ng aktres. — Reports from JCC