Bianca, sinagot ang toxic relationship nila ni Dustin


Bukas na gaganapin ang Big Night ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. Kailangang pakaabangan kung sino ang tatanghaling Big Winner sa duos ng AzVer nina AZ at River, BreKa nina nina Brent at Mika, CharEs nina Charlie at Esnyr at RaWi nina Ralph at Will.

Mayroon umanong panghihinayang si Bianca de Vera dahil hindi nakapasok sa Big 4 ang DusBi na duo nila ni Dustin Yu.

“We were so ready to make it to the Big 4. Kaya lang things really do happen for a reason. Ang masasabi ko po is that, may panghihinayang po kami but we have no regrets at all dahil alam po namin na binigay namin ‘yung best po namin. May mga bagay po talaga na hanggang do’n na lang talaga. Our journey had to end there and we fully accept that. It’s okay,” nakangiting bungad sa amin ni Bianca sa Fast Talk with Boy Abunda.

Halos hindi makapaniwala ang tambalang DusBi sa suportang natatanggap mula sa kanilang mga tagahanga.

Laking gulat nina Dustin at Bianca dahil sa pagpapagawa ng mga tagahanga ng billboards sa iba’t ibang lugar tulad ng Times Square New York, Seoul Korea, Davao, Guadalupe at Ortigas.

“Naku! Tito Boy, never ko talaga siya na-imagine sa life ko. No’ng nalaman ko siya, at first akala ko edited lang eh. But then, no’ng dumaan na ako sa EDSA, no’ng nakita ko, grabe! Nakaka-proud at super nakakataba ng puso talaga, Tito Boy. Sobrang naramdaman namin talaga ang love ng mga tao sa labas (ng bahay ni Kuya),” pagbabahagi ni Dustin.

“Nakakawala po talaga ng pagod. I mean, we’ve been inside the house for more than a hundred days. Akala nga po namin inside the house na walang nagmamahal sa amin. But when we came out of the house, we were welcomed with such warmth and beautiful people. Kahit natalo kami sa tasks, sa challenges, do’n pa lang, pakiramdam po namin panalo na kami,” dagdag naman ni Bianca.

Samantala, aminado si Dustin na nakaramdam ng selos sa kapwa-housemate sa si Will Ashley habang nasa loob pa ng bahay ni Kuya.

 Matatandaang naugnay at nagkaroon ng kontrobersiya noong 2023 sa pagitan nina Will at Bianca. “No’ng ‘di pa clear sa akin ‘yung ano man ‘yung meron sila sa past. No’ng medyo magulo pa, of course, yeah! Nagselos ako, naguguluhan ako, Tito Boy,” pagtatapat ng Kapuso actor.

Naliwanagan umano ang isipan ni Dustin nang makausap nang masinsinan si Will. Mula noon ay hindi na pinagselosan ng binata si Will. “No’ng nag-usap na kami ni Will and nag-usap na rin kami ni Bianca na wala naman ako dapat pagselosan or intindihin or isipin or i-worry. Of course, hindi ko na ‘yun pinairal, naintindihan ko na ‘yon,” giit ni Dustin.

Nagbigay rin ng reaksyon si Bianca tungkol sa naging komento ng ilang netizens na ‘toxic relationship’ umano ang mayroon sila ni Dustin sa loob ng PBB house.

“I wouldn’t say it was toxic. I believe that we were two people who had real feelings inside the house. I believe na kahit sinong tao naman, mapapagdaanan ‘yon. The only difference is, kami, nasa PBB kami and everyone can see it. Yes, we had our shortco­mings, hindi po kami naging perfect. Kami, alam po namin ‘yung totoo sa hindi,” paglilinaw ng aktres.

Madalas na nagho-holding hands ang DusBi habang nasa loob pa ng PBB house. 

Opisyal na nga bang magkasintahan ngayon sina Dustin at Bianca? “Together, as duos,” matipid na sagot ni Dustin.

“Mga duo ni Kuya, (Wala pang ‘I love you’?) Wala pa, malayo pa po do’n, Tito Boy,” pagtatapos naman ni Bianca. —Reports from JCC