MANILA, Philippines — Bilyong pisong revenue ang inaasahang kita sana ng probinsya ng Nueva Ecija sa multi-billion project ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX) na magdurugtong sa tatlong malaking expressway na tutumbok sa sentro ng komersyo at negosyo sa siyudad Cabanatuan City, subalit sentro ng diskusyon kung saan napunta ang koleksyon sa quarry.
Base sa report ng Commission on Audit (COA), kulelat sa quarry collection ang Nueva Ecija kung saan umabot lamang sa halos P400,000 ang idineklarang kita ng probinsya noong 2022 at nasa P1-milyon lamang ang kinita noong 2023, gayong kasagsagan ito ng konstruksyon ng CLLEX at iba pang mga infrastructure projects.
Giit ng grupong Progressive Business Alliance of Nueva Ecija (PBA-NE), hindi nila maiwasang magtanong kung bakit isang milyon lamang ang deklaradong kita ng Nueva Ecija sa ilalim ng pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, gayong pumalo sa mahigit P708-milyon ang deklaradong kita ng Pampanga.
Ayon sa 2023 Reported Income from Sand, Gravel & Other Quarry report ng COA, nanguguna ang Pampanga na mayroong P708,132,750.00 quarry collections, sinundan ng Zambales (P109,970,2854.60); Tarlac (P21,966,398.00); Bataan (P13,386,009.89); Aurora (P10,673,530.07); Bulacan (P7,754,655.50); habang kulelat ang Nueva Ecija na mayroon lamang P1,034,880.00 na deklaradong quarry tax collection.
Ang CLLEX project ay sinimulan noong May 2016 para ayusin ang 35.7-kilometer na expressway-connector na magdurugtong sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), at North Luzon East Expressway (NLEE) para maidugtong ang Tarlac at Cabanatuan City.
Giit ni Migz Santos, pangulo ng PBA-NE, kung susumahin aabot na sana sa daan-daan milyong piso o bilyon na ang quarry collection ng provincial government ng Nueva Ecija ngayong 2025 dahil sa Phase I pa lamang ng CLLEX project ay nasa P11.359 billion na ang sakop ng proyekto, bukod pa sa mga Right-of-way Acquisitions, daan-daan milyong infra projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga farm to market-road-projects ng Department of Agriculture (DA).
Una nang sinuspinde ng Office of the Ombudsman si Governor Aurelio Umali at asawa nito na si dating NE Gov. Czarina Umali at ilan pang mga kasabwat noong Mayo 2024 dahil sa umano’y illegal na pag-i-isyu ng quarry permit.