November 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Magnolia mula sa isang 12-point deficit sa second period para resbakan ang Blackwater, 90-75, sa Season 50 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinaas ng Hotshots ang kanilang record sa 5-2 para sumosyo sa nagdedepenssang San MIguel Beermen, NLEX Road Warriors at Rain or Shine Elasto Painters sa No. 2 sa ilalim ng nangungunang TNT Tropang 5G (5-1).
Bumira si Javi Gomez De Liano ng game-high 17 points, habang nagdagdag sina Ian Sangalang at Zavier Lucero ng 16 at 13 markers, ayon sa pagkakasunod.
“We cannot really start like this all the time. Hindi kami puwede iyong parati kaming naghahabol,” ani rookie coach LA Tenorio. “Siguro I’d rather na kami ang hinahabol kesa kami iyong naghahabol.”
Bagsak ang Bossing sa ikaanim na dikit na kamalasan matapos talunin ang Terrafirma Dyip, 107-87, noong Oktubre 10 at nananganib na masibak sa pang-walong sunod na pagkakataon.
Matapos kunin ng Magnolia ang first period, 18-15, ay humarurot ang Blackwater sa likod ni Sedrick Barefield para ilista ang 12-point lead, 36-24, sa 3:29 minuto bago ang halftime.
Nakabalik sa laro ang Hotshots sa third quarter sa pagbibida nina Lucero, Sangalang at Jerom Lastimosa para agawin ang 49-45 kalamangan sa 6:59 minuto nito patungo sa 64-55 paglayo sa pagtatapos ng nasabing yugto.
Ilang beses nagtangkang makalapit ang Bossing na lalo pang nabaon sa 61-77 matapos ang three-point shot ni Raffy Verayo sa 8:07 minuto ng final canto.
Pinamunuan ni Barefield ang Blackwater sa kanyang 16 points.
