Born to Be Wild, gagamit ng AI technology


Ngayong Hulyo, handog ng Born to Be Wild ang isang bagong format upang magdala ng mas marami pang kuwento habang patuloy nitong isinusulong ang misyon para sa wildlife conservation, environmental education, at advocacy.

Sa kauna-unahang pagkakataon, susubukan ng programa ang paggamit ng AI technology upang mas mailapit ang mga manonood sa mga extinct at bihirang makitang species—marami sa mga ito ay nadokumento na ng “Born to Be Wild” sa nakalipas na 17 taon.

Handog ng Born to Be Wild ang isang month-long expedition sa wildlife tampok ang kabundukan ng Benguet at isla ng Southern Palawan.

Noong Linggo (July 7), bumiyahe naman si Doc Ferds Recio sa Benguet, kung saan susuriin niya ang masalimuot na mundo ng mga silkworm at native bees—mga nilalang na na­nganganib ang kaligtasan dahil sa mga industriyal na gawain at pagkasira ng kapaligiran.

Sa Palawan, makikipagsapalaran si Doc Nielsen Donato sa mga bihira at kaakit-akit na wildlife. Kabilang dito ang higanteng buwaya na pinangalanang Itim, ang mailap at mahirap hanaping peacock-pheasant kasama ang kanyang sisiw, at ang baboy ramo na pumapasok sa mga komunidad.

Sa mga susunod na episode, gagamit din ang programa ng AI technology, upang mas maipapakita ang kagandahan at anyo ng ilan sa mga bihirang makita at extinct species sa pag-asang mas maraming tao ang magiging mulat at protektibo sa mga nakatagong wild at native animals.