Centeno tutumbok sa 4 tourney


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Apat na bigating international tournaments ang lalahukan ni 2025 World Games silver medalist Chezka Centeno bago matapos ang taon.

Ito ay ang China Open na sasargo sa Setyembre 10 hanggang 14, ang Vietnam Open sa Set­yembre 17 hanggang 27, ang prestihiyosong World 10-Ball sa Indonesia sa Oktubre at ang Florida World 9-Ball sa USA sa Disyembre.

Nagmula si Centeno sa pagtumbok sa silver medal sa nakaraang 2025 World Games sa Chengdu, China.

Minalas ang Zamboanga City native kay Chinese bet Han Yu, 6-7, sa women’s 10-ball gold medal round.

Ayon sa 26-anyos na si Centeno, dadalhin niya ang eksperyensa sa World Games sa pagsabak sa nasabing apat na major international tournaments.

“Aayusin ko po iyong break ko kasi magulo iyong break ko. Hindi ako consistent sa break ko, iyong pamato ko is magalaw talaga pagka-break ko tapos walang pumapasok,” ani Centeno.