Clippers itinawid ni Harden sa 2OT vs Mavs


Pilipino Star Ngayon

November 16, 2025 | 12:00am

DALLAS — Iniskor ni James Harden ang apat sa kanyang 10 overtime points sa ikalawang extra period at tumapos na may mga season highs na 41 points at 14 rebounds bukod sa 11 assists sa 133-127 pag­lunod ng Los Angeles Clippers sa Mavericks sa NBA Cup game.

Itinala ni Harden ang ika-82 triple-double sa kanyang career habang humakot si Ivica Zubac ng season-high 27 points at 11 rebounds para sa Los Angeles (4-8).

Tinapos nila ang isang six-game losing slump para sa 2-0 marka sa NBA Cup.

Pinamunuan nina Naji Marshall at D’Angelo Russell ang Dallas (3-10) sa kanilang tig-28 points.

Bagsak ang Mavericks sa 0-2 sa group play ng NBA Cup.

Ipinasok ni Harden, kumonekta ng dalawang 3-pointers sa unang overtime, ang dalawang free throws at isang driving basket para sa 129-125 abante ng Clippers sa huling 3:07 minuto sa ikalawang OT.

Sa iba pang laro, pina­dapa ng Los Angeles La­kers ang New Orleans Pelicans, 118-104; lusot ang Golden State Warriors sa San Antonio Spurs, 109-108; dinaig ng Milwaukee Bucks ang Charlotte Hornets sa overtime, 147-134 at panalo ang Minnesota Timberwolves sa Sacramento Kings, 124-110.