September 19, 2025 | 12:00am
Marami nang nasungkit na Best Actor awards si Elijah Canlas dahil sa iba’t ibang pelikulang nagawa sa mga nakalipas na taon. Kahit premyadong aktor na ay madalas pa ring tumanggap ng support roles ang binata.
Napansin ng ilang netizens ang umano’y pagiging kontrabida ni Elijah sa mga proyektong ginagawa.
“That means hindi pa nila napapanood ‘yung mga gawa ko. That means they’ve only seen Senior High, Batang Quiapo. But not to brag but mas marami na rin ako nagawang ibang characters na hindi lang pumapasok sa stereotypes na iyon,” makahulugang pahayag ni Elijah.
Para sa binata ay bahagi ng pagiging isang ganap na artista ang paggawa ng iba’t ibang karakter. Kailangan lamang umanong paghusayan ang pagganap sa bawat karakter na ipinagkakatiwala sa kanya.
“Someone told me recently, you should do something na mabait ka naman. Mabait ako rito sa mga pelikula na ito, pero mabait ako generally sa lahat ng mga ginagawa ko nowadays. Kung hindi mabait like going through something, na struggling and easier to empathize with kaysa sa mga masasamang ugali na characters. We’re working on it,” paliwanag ng premyadong aktor.
Ayon kay Elijah ay mayroong mga pagkakataong mas gusto niya ang mga karakter na alam niyang mahihirapan siyang gawin.
“Gusto ko talaga ng challenge. Gusto ko na ‘yung mahirap. ‘Yung kapag ma-offer-an ka ng something na matatakot ka, parang mas lalo kong gusto gawin. Like kunyari ‘yung About Us But Not About Us (pelikulang nagawa noong 2022), when it was offered, I was scared to do it. Pero mas na-challenge ako lalo. Mas gusto ko tuloy siyang gawin. So I guess doon din ‘yung drive pumapasok na ‘pag mas feeling ko hindi ko kaya, mas gusto kong gawin. So ganoon ‘yung mindset,” giit ng binata.
Bianca, may bonus na natanggap
Mas kaabang-abang ang mga eksena ngayon sa Encantadia Chronicles: Sang’gre. Ayon sa isa sa mga bida nitong si Bianca Umali ay matutunghayan na ang panibagong yugto ng naturang Kapuso Primetime series.
“We cannot go into detail pero siguro ngayon namin masasabi na meron nang panibagong yugto,” nakangiting pahayag ni Bianca.
Lubos ang pasasalamat ng Kapuso actress sa lahat ng mga manonood na patuloy na tumatangkilik sa kanilang programa. Para kay Bianca ay nagbunga ng maganda ang lahat ng kanilang pinaghirapan sa mga nakalipas na taon.
“Ang tagal na panahon ang ginugol namin para mabuo ang proyekto na ‘to. And the fact na natapos naming buuin was already a success for all of us. That was two years of shooting this project. Kung paano kami tinatangkilik is already a bonus. Lahat po ito ngayon ay biyaya na po sa amin and we are grateful. Wala po kami sa kinaroroonan namin ngayon kung hindi po dahil sa tagasuporta namin, sa lahat ng Encantadiks, at sa mga Kapuso na nanonood,” paglalahad ng dalaga. — Reports from JCC
