Pilipino Star Ngayon
November 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sasalang si Pinoy boxer Sem Japet Enano sa una niyang laban sa abroad sa pagsagupa kay Japanese Misaki Hirano sa isang eight-rounder sa Disyembre 7 sa Fukuoka, Japan.
Lalaban sa featherweight division, bitbit ng 26-anyos na si Enano ang 7-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang tatlong knockouts.
Dala naman ni Hirano ang 11-2-0 card.
“First international fight ko, and ang feeling ko is regular fight lang din siya ang pinagkaiba lang sa abroad gagawin,” ani Enano. “Pero dahil na din sa abroad gagawin, talagang excited ako, mas pursigido ako sa training.”
Kumpiyansa si Enano na tatalunin niya si Hirano sa hangaring makakuha ng atensyon mula sa buong mundo kagaya ng nangyari sa kanyang idolong si Filipino boxing legend Manny Pacquiao.
Ang kanyang mga magulang na si Jose at Salvacion kasama ang 10 kapatid ang nagpapalakas sa loob niya.
“Sila ang inspirasyon ko kaya talagang pinagbubuti ko sa ensayo at lalo sa mga laban ko,” sabi ng tubong Binan, Laguna.
Tinapos ni Enano ang kanyang junior high school via Alternative Learning Center (ALC) sa Binan national high school at hindi tumuloy sa college.
Dumiretso siya sa boxing at noong 2023 ay umakyat siya sa professional matapos ang three-year amateur career kung saan siya nagtala ng 18-2-0 slate.
Noong Hulyo ng 2024 ay kinuha siya ni Sanman Boxing Promotions boss JC Manangquil.
Sa kanyang huling laban noong Agosto 31 ay tinalo ni Enano si Reycar Auxilio via TKO sa Phela Grande Convention Center sa General Santos City.
Nakabase ngayon si Enano sa GenSan sa ilalim ng mga coaches ng Sanman Boxing Club at ng kanyang coach na si JR Edurot.
