November 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Magtutuuos ang Barangay Ginebra at Phoenix sa krusyal na duwelo upang mabuhay ang pag-asa nila sa playoffs ng PBA Season 50 Philippine Cup ngayon sa UST Quadricentennial Pavilion sa Maynila.
Bida sa main game s alas-5:15 ng hapon ang Gin Kings (2-4) at Fuel Masters (2-5) na parehong delikado ang lagay sa quarterfinals habang solo segunda puwesto naman ang hangarin ng NLEX (5-2) kontra sa Titan Ultra (5-2) sa alas-7:30 ng gabi.
Sa ngayon ay nasa ika-8 puwesto ang Ginebra habang katabla ng Phoenix ang Titan Ultra sa ika-9 kaya siguradong ubusan ng bala ang 2 koponan para makaiskor ng malaking tagumpay.
Galing sa masaklap na 106-96 na kabiguan ang Gin Kings kontra sa Converge kaya lalong nalagay sa alanganin subalit kumpiyansa pa ring makakabawi agad sa kabila ng maalat na simula bilang isa sa top contenders ng All-Filipino tournament.
Bunsod nito ay inaasahang mas gigil si Cone at mas matapang ang tagay ng kanyang mga bataan na pamumunuan nina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Stephen Holt, Troy Rosario at RJ Abarrientos.
