Na-appreciate ng mga beteranong artista ang katatapos lang na 8th Entertainment Editors’ Choice o The Eddys ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts noong Linggo.
Bukod sa pagbibigay pugay sa mga Icon na sina Direk Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Pen Medina, Eddie Mesa, Rosemarie Gil, at Kidlat Tahimik, nagbigay parangal din sila sa mga pelikulang umabot ang kita sa P100 million noong nakaraang taon.
Nakikita ang pagbibigay halaga sa movie industry na kahit sisinghap-singhap, nakakagawa pa rin ng magagandang pelikula, kagaya ng mga box-office hit movies at mga nominado sa Best Picture.
Nakuha ng pelikulang Green Bones ng GMA Pictures ang karamihan sa mga awards, lalo na ang sa major category na Best Picture, Best Actor na si Dennis Trillo, Best Supporting na si Ruru Madrid (ka-tie si Aga Muhlach), at si Zig Dulay ang Best Director, at ang Best Cinematography.
Si Marian Rivera ng Balota ang hinirang na Best Actress, at si Lorna Tolentino naman ang Best Supporting Actress para sa pelikulang Espantaho na napili ring Best Visual Effects.
Ang pelikulang My Future You naman ang nanalo sa kategoryang Best Original Theme Song at Best Editing.

Sa Best Production Design naman ang The Kingdom, Best Screenplay ang Under a Piaya Moon, Best Musical Score ang Isang Himala, at Best Sound ang Topakk.
Star-studded ang naturang event, at present ang halos lahat na winners.

Si Lorna ang sobrang nagulat sa pagkapanalo niya as Best Supporting Actress dahil wala raw talaga sa isip niyang siya ang mananalo. Ang dami raw niya tuloy na-miss na pasalamatan. “Si Direk Chito Rono nga nakalimutan ko! Hindi ko man lang na-offer kay Nay Lolit (Solis),” bulalas ni Lorna.
Malamig din ang kamay ni Marian Rivera nang tawagin ang pangalan niya bilang Best Actress. Nagpapasalamat siya na nabigyan siya ng pagkakataong pasalamatan ang mga guro na bida sa kuwento ng pelikulang nagpanalo sa kanya, ang Balota.

Bahagi ng kanyang acceptance speech; “Yung mga titser talaga nagbubuwis ng buhay para bantayan yung mga boto ng bayan, ibang klase talaga yung ginagawa nilang trabaho at hindi madali para sa kanila.
“Kaya naman ngayong gabing ito, nais kong ibahagi yung tropeyong ito sa lahat ng guro na hindi lang dahil sa pagbabantay ng mga balota o pagboto natin, kundi sa araw-araw na pagtuturo sa mga estudyante. Walang sawa na nagiging pangalawang magulang ng mga estudyante.”
Ibinahagi rin niya ang kanyang parangal sa lahat na mga nakasama niya sa naturang pelikula.
Ang best actor na si Dennis Trillo naman ay ibinahagi ang natanggap na parangal sa kanyang asawang si Jennylyn Mercado.
At ang best supporting actor ay magandang regalo raw ayon kay Ruru para sa 7th anniversary ng relasyon nila ni Bianca Umali.
Sa Box-office Heroes naman ay tinanggap ni Alden Richards ang parangal para sa pelikulang Hello, Love, Again nila ni Kathryn Bernardo. Sina Dennis at Ruru para sa Green Bones, si Julia Barretto naman para sa Unhappy for You nila ni Joshua Garcia at Vice Ganda para sa And The Breadwinner Is.
Wala sina Vic Sotto at Piolo Pascual para sa The Kingdom.
Inilabas naman ni Vice Ganda ang kanyang saloobin tungkol sa mga ginagawa niyang pelikula na madalas ay natutuligsa ng mga kritiko sa kanyang acceptance speech, pero nagustuhan ng mga tao at pinipilahan ito sa mga sinehan.
Bahagi ng kanyang pahayag; “Bakit daw laging maraming nanonood ng pelikula ko e para sa mga ilang kritiko, para sa ilang feeling mas magagaling pa sa kritiko, sa mga umaarteng kritiko, ang pelikula ko raw ay walang kuwenta, walang katuturan ahh slapstick, ka-cheapan, puro kabaklaan, puro kabaduyan, bakyang-bakya. Pero bakit patuloy na pinipilahan ang mga pelikula ko dahil, ang mga pelikula po kahit hindi masyadong pumapasa o hindi pumasa sa panlasa ng mga kritiko, ang pelikula ko ay nagsisilbing pangtakas ng napakaraming pangkaraniwang Pilipino.
“Yung pelikula ko po ay nagamit ng napakaraming masang Pilipino para maging instrumento para sila ay tumawa panandalian, humagalpak hanggang sa makalimutan nila nang ilang segundong kung ano yung masakit, malungkot at mahirap na sitwasyon ng kanilang pamumuhay araw-araw,” umpisa niya.
Dagdag pa niya : “Iyun po ang isa sa mga dahilan feeling ko kung bakit nanonood pa rin sila ng pelikula ko, kahit ang mahal mahal na ng pelikula. Mahirap ang buhay nila, konti lang ang pera nila pero manonood pa rin sila ng sine, lalong-lalo na ang pelikula ko kasi gusto nilang tumawa.
“Maraming masang Pilipino nanonood ng pelikula ko dahil ako at ang masang Pilipino ay may ugnayan. Na sa araw-araw nilang pagkita sa akin, sa panonood sa akin sa It’s Showtime.
“Sa loob ng 17 years, nakabuo ako ng isang magandang ugnayan sa masang Pilipino. Ako at ang masang Pilipino ay may relasyon, kami ay nagkakaunawaan. Iisang wika o lengwahe ang sinasabi namin. Iisa ang trip namin.”
Congratulations sa lahat na mga nagwagi sa 8th The Eddys awards.
