Ibang artista sa MMFF, doble-doble ang pelikula


RATED A — Aster Amoyo — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

Siguradong mahihirapang mamili ang ilang artista na may dala-dalawang entries sa darating na 51st Metro Manila Film Festival (MMFF) tulad nina Dustin Yu, Will Ashley, Klarisse de Guzman, Janice de Belen at Joey Marquez.

Natitiyak naming sa float ng Love You So Bad sasakay sina Dustin at Will kasama ang kanilang leading-lady na si Bianca de Vera dahil silang tatlo ang bida ng pelikulang pinamahalaan ng box-office director na si Mae Cruz-Alviar at joint production ng ABS-CBN Films, GMA Pictures at Regal Entertainment, Inc.

Sina Dustin at Will ay kasama rin sa dalawang magkaibang pelikula sa MIFF, ang horror film na Shake, Rattle & Roll: Evil Origins at Bar Boys: After School. Si Klarisse ay may dalawa ring pelikula, ang Call Me Mother nina Vice Ganda at Nadine Lustre at ang Bar Boys. Most likely ay baka sa Call Me Mother float siya sumama dahil nanay-nanayan niya si Vice Ganda.

Ang nanay ni Kaila Estrada na si Janice de Belen ay may dalawa ring entry, ang fa­mily drama na I’m Perfect at ang horror film na Shake, Rattle & Role: Evil Origins habang si Joey ‘Tsong’ Marquez ay kasama sa I’m Perfect at sa Manila’s Finest na pinagbibidahan ni Piolo Pascual.

Samantala, hindi naiwanan ng veteran actress na si Sylvia Sanchez ang maging emotional nang ihayag ang pelikulang I’m Perfect, isang tear-jerking family drama movie na tinatampukan ng Down Syndrome actors na sina Krystel Go at Earl Amaba kasama sina Lorna Tolentino, Sylvia Sanchez, Joey Marquez at Tonton Gutierrez na pinamahalaan ni Sigrid Bernardo under Nathan Studios.

It could be because napasama ang I’m Perfect sa walong official entries ng MMFF kung saan nag-audition umano ang Nathan Studios ng magsisiganap sa lead roles sa pelikula. Another reason ay dahil may pinagdaraanan ngayon ang pamilya ni Sylvia dahil sa pagkakadawit ng pangalan ng kanyang anak, ang actor-politician na si Arjo Atayde sa ongoing flood control investigation.

Boss Vic, walang planong magretiro

Sa January 2026 ay ika-60th anniversary ng kumpanyang Vicor Music Corporation, ang unang kumpanyang itinatag ng Viva chairman-CEO na si Boss Vic del Rosario kasama ang kanyang first cousin, ang musician-turned-record, concert at film producer na si Boss Orly Ilacad nung 1966.

Ang Vicor ay nag-number one record company nung dekada ‘70 at nakapag-produce ng malalaking hit songs at nakagawa ng maraming recording stars.

Pero ang business partnership ng magpinsan ay nauwi sa kanilang paghihiwalay hanggang muling ma-acquire ni Boss Vic ang catalogue ng Vicor under Viva Music.

Boss Vic is the living legend or music icon na hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil sa pagpu-produce ng hit songs at patuloy na nagpapakilala at nagdi-develop ng mga bagong singers who eventually become music stars.

The likes of Martin Nievera, Gary Valenciano, Regine Velasquez, Sharon Cuneta, Sarah Geronimo at ang mga bagong breed ng mga mang-aawit ay lahat dumaan sa mapanuri at panlasa sa musika ni Boss Vic which he is now passing down to his third generation (grandson) na si Verb del Rosario pero siya (Boss Vic) pa rin ang nagti-timon.

Although mag-i-80 years old na si Boss Vic sa darating na Oct. 26, 2025, wala pa umano sa kanyang bokabularyo ang pagreretiro dahil siya pa rin ang may say pagdating sa mga major decision ng kanyang iba’t ibang kumpanyang itinatag.