Walong pelikula, inaprubahan na ipalabas sa sinehan


Pilipino Star Ngayon

September 25, 2025 | 12:00am

Dalawang pelikulang Tagalog, Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna, at The Ride, ang tampok ngayong linggo matapos kapwa makakuha ng angkop na klasipikasyon mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Ang Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna, na pinagbibidahan nina Andres Muhlach at Ashtine Olviga, at mula sa direksyon ni Jason Paul Laxamana, ay rated PG. Ito’y tungkol sa mga kabataan at pamilya na nangangailangan ng gabay ng magulang para sa mga batang manonood.

Ang The Ride, na pinagbibidahan nina Piolo Pascual at Kyle Echarri, ay rated R-13, para sa mga edad 13 at pataas. Tungkol ito sa mag-amang biglang nanganib ang buhay dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na gawain.

Anim pang foreign films ang inaprubahan ng MTRCB, kabilang ang musikal na Gabby’s Dollhouse The Movie, na rated PG (pwede sa lahat ng manonood).

Ang mga South Korean concert film na Cha Eun-Woo: Memories In Cinemas, na pinagbibidahan ng Korean actor at singer na si Cha Eun-Woo at BTS Week, tampok ang koleksyon ng mga pagtatanghal ng Korean boy band na BTS, ay parehong rated PG.

Ang American post-apocalyptic action na Afterburn, na nangyari isang dekada matapos mawasak ng isang solar flare ang teknolohiya ng buong mundo, ay rated R-13.

Parehong rated R-16 ang Japanese animation na Chainsaw Man — The Movie: Reze Arc at ang American epic action-thriller na One Battle After Another, para sa mga edad 16 at pataas dahil sa maselang tema at eksena.

Nagpaalala si MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa mga magulang na maging maingat sa pagpili ng angkop na palabas para sa mga batang mano­nood.

At nawa’y pilahan ang mga nasabing pelikula kahit kapos sa promo lalo na ‘yung pelikula nina Piolo at Kyle na ipinalabas na pala na parang iilan ang nakakaalam.