Isang recording artist na ang Pinoy Big Brother: Gen 11 finalist na si Kai Montinola matapos ilabas ang kanyang debut extended play (EP) na Kaleidoscope na nanguna agad sa iTunes Philippines albums chart habang lahat ng tracks nito ay nakuha ang buong top seven ng songs chart.
Umiikot ang mini album sa tema ng pag-ibig, self-worth, at emotional growth. Kasama sa mga awitin nito ay Hay Naku, Self Love Era, Overthink, Kung Pwede, For You, No Conversation, at Shooting Star tampok ang PBB Gen 11 alum na si Jarren Garcia. Nagsilbing over-all producer ng EP ang StarPop label head na si Roque “Rox” Santos.
Pinaghalong Filipino, Ingles, at Cebuano lyrics ang ibinida ni Kai sa key track na Overthink na nagpapaalala na dapat maging maingat sa pag-ibig pero huwag hahayaan ang sarili na i-overthink ang damdamin.
Mula ito sa komposisyon ni Trisha Denise at iprinodyus ni Rox Santos.
Samantala, all-out performances naman ang ipinakita ni Kai sa sold-out album launch at fan meet na Kai’s The Limit na naganap sa SM North Edsa Skydome nitong Sabado (Hunyo 28).
Available ang Kaileidoscope EP sa iba’t ibang streaming platforms.
