Kalsada bumigay: Jeep swak sa bangin, 2 sugatan


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Isinugod sa pagamutan ang driver at kasama nitong pahinante matapos na bumigay ang bahagi ng kalsada at mahulog sa bangin ang jeepney habang bumabagtas sa bulubunduking bahagi ng bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya nitong Biyernes ng umaga .

Sa inisyal na ulat ng Aritao Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Office, ang insidente ay nangyari dakong alas-5:50 ng umaga sa bahagi ng Benguet-Nueva Vizcaya Road, Purok 3, Brgy. Kirang, Aritao ng lalawigang ito.

Nabatid na ang nasabing kalsada ay natapos lamang ang konstruksiyon noong Mayo 2025.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng lumambot ang lupa sa kinatayuan ng kalsada na nauka hanggang sa bumigay ang bahagi nito.

Bunga ng pagguho ng kalsada, nahulog sa bangin ang jeepney na puno ng kargang panindang mga kamatis na ikinasugat ng driver nito at kasamang pahinante.

Sa kasalukuyan, ang single lane na lamang ng kalsada ang nadaraanan ng mga motorista sa pagbigay ng kabilang bahagi nito.