Kapatid ng sikat na aktor at bf na nag-uumpisa pa lang ng career, nagkabalikan!


SHOWBIZ GANERN! — Ni Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

Nagkaroon ng family dinner kamakailan lang ang isang showbiz family na kung saan miyembro roon ang isang super sikat na aktor.

Selebrasyon ‘yun ng kapatid ni sikat na aktor dahil sa bagong achievement niya.

Kilala ang kapatid ni sikat na aktor dahil sa na-link siya sa ilang taga-showbiz.

Naging boyfriend niya ang isang promising actor na nasa kilala ring pamil­ya. Pero kaagad ding natapos ang kanilang relasyon.

Pero sa kanilang family dinner, nagulat ang lahat nang dumating ang kapatid ni sikat na aktor na kasama niya si promising actor.

Nagkabalikan pala sila at mas sweet pa raw sila ngayon.

Ang dagdag pang tsika, hindi pa raw knows ng mommy ni sikat na aktor na nakipagbalikan si sister kay promising actor.

Mukhang happy naman daw sila e!

Alessandra, lumalayas ‘pag tungkol sa jowa ang tanong

Kapag lovelife ang itatanong kay Alessandra de Rossi, wo-walkout-an ka talaga niya.

Ang saya ng tsikahan namin lalo na sa kanyang pelikulang Everyone Knows Everyone na dinirek niya para sa Viva Films.

Hindi naman daw hiningi ni Alessandra na idirek niya ang naturang pelikula, napasubo na lang daw siya kay Boss Vic del Rosario.

“Because, pinag-iisip ako ni Boss Vic kung sinong magdidirek. And then, sinabi ko na lang ako para wala nang ibang humawak.

“Tapos nung ano na, nung feeling ko magba-back out na ako nun… ‘ah hindi, sabi mo ikaw magdidirek.’ Ha?!” ibinahagi ni Alessandra sa amin sa presscon ng Cinemalaya 21 kahapon na ginanap sa Shangri-La Mall.

Suportado si Alex ni direk Rico Gutierrez na siyang tumatayong technical director sa pelikula. Kasama rin daw si Carlo Catu na siyang nagsulat ng script.

“Buti na lang nandun si direk Rico (Gutierrez) saka si Carlo Catu. Sila na lang talaga ang nagra-run ng buong thing, dahil nga ‘pag artista na ako, artista na ako,” pakli ni Alessandra.

Kakaiba ang pelikulang ito na parang mala-Adolescence ang style na isang shot lang bawat eksena.

Ito bale ang pangalawang pelikulang dinirek niya. ‘Yung una ay My Amanda na kasama niya si Piolo Pascual. At Ibang-iba raw itong Everyone Knows Everyone.

“Saka wala kasing preview. ‘Yung My Amanda kasi, after every take preview ka,” pakli niya.

Kung ang tipo ng Adolescence itong ginawa niya, challenge ito sa isang direktor.

Pero sabi ni Alessandra, “When you have Joel Torre, Gina Alajar, Edu Manzano, Ronnie Lazaro, Ruby Ruiz, JM de Guzman, Angeli Bayani, Kelvin Miranda, madali ‘yan i-achieve ang lahat.”

Binalikan namin ng tanong si Alessandra sa suportang ibinigay sa kanya ni direk Rico.

“Technical director siya. Dapat lang!” bulalas niya.

“Mukhang mas nag-enjoy siya sa amin lahat. Kasi siya ‘yung master of live shows ‘di ba? The ‘It boy.’ So, siya ang mas nag-e-enjoy sa totoo lang,” dagdag niyang pahayag.

Sinundan ko nang tanong kung enjoy naman ba sila sa kanilang relasyon.

“Saan pupunta ‘yan?” sabay talikod na sa amin.

Nasanay na kami kay Alessandra na kapag lovelife na ang tinatanong sa kanya, tatalikuran ka na niya talaga.

JM, takot na wala si Fyang!

Nag-trending si JM Ibarra sa X kahapon nang dumalo ito sa presscon ng Cinemalaya. Ang bilis nag-trending ang hashtag na #JMIbarraInCinemalaya.

Si JM pala ang bida sa isa ring Cinemalaya entry na Child No. 82 ni Tim Rone Villanueva.

Kasama ni JM dito sina Vhong Navarro at Rochelle Pangilinan.

Pero wala si ­Fyang Smith, kaya aminado siyang may pressure ito sa kanya.

“Sa lahat naman po na project laging may pressure e. Sinasabi ko lang po sometimes na wala, para pampakalma lang. Pero malaki pong pressure sa akin, lalo na po na Cinemalaya. Hindi ko na po alam,” napangiti niyang pahayag.

Inaasahan naman ni JM na susuportahan siya ng fans nila, dito sa Cinemalaya entry nila.

“Sa mga nagdaan na project namin ni Fyang together, individually, nasaksihan ko kung gaano kasolido ‘yung suporta nila sa amin,” sabi pa ni JM Ibarra.

Kakaiba rin itong Child No. 82 na may pagka-comedy at fantasy, na kung saan parang nag ala-Panday rito si JM kasama si Vhong Navarro.

Ilan lamang ito sa mga pelikulang aabangan natin sa Cinemalaya 21 na may temang Layag na magsisimula na sa Oct. 3 hanggang 12 na gaganapin sa Shangri-La Mall.