Kathryn, mas piniling umuwi kesa makita si Alden?!


Aktor,’di kinayang banggitin ang leading lady…

Hindi masulat ang komento ng ilang fans ni Kathryn Bernardo tungkol sa pagtanggap ni Alden Richards ng award niyang Phenomenal Box-office King of Philippine Cinema mula sa Guillermo Mendoza Memorial Foundation na ipinamahagi noong Sabado rin ng gabi sa Carlos P. Romulo Auditorium sa RCBC Plaza.

Hindi kasi dumalo roon si Kathryn para tanggapin ang kanyang award na Phenomenal Box-office Queen of Phi­lippine Cinema mula sa pelikula nilang Hello, Love, Again.

May nagsabi sa aking may dinaluhang event si Kathryn sa SM Mall of Asia (MOA) para sa isang produktong ini-endorse niya.

Pero maaga naman daw siyang natapos, at puwede siyang dumiretso ng RCBC dahil malapit lang naman ‘yun. Pero umuwi na raw ito pagkatapos ng ginawa niya sa SM MOA.

Ang duda ng iba ay iniiwasan niyang makasabay roon si Alden Richards?

Mahaba raw ang acceptance speech ni Alden nang tanggapin ang nasabing award, pero never daw nabanggit si Kathryn.

Ang nakita ko lang sa social media ang acceptance speech ni Alden at hindi nga niya nabanggit si Kathryn.

May isa pang bahagi ng acceptance speech nito na lumabas sa X na ang sabi niya, “On behalf of everyone po who made Hello, Love, Again possible, I’d like to accept this award po para sa kanilang lahat.

“It’s been a rollercoaster journey for all of us making that film.

“Naniniwala po kasi kami na mas masarap ang mga bagay na pinaghihirapan. So, kung ang mga bagay na nagagawa natin sa pang-araw-araw natin ay hindi tayo nakakaranas ng pighati, hardships and kung anu-ano man pong paghihirap.

Hindi po natin ma-appreciate ‘yung sarap nung success kung hindi natin siya pinagsumikapan at pinaghirapan.”

Parang may sakit pa si Alden sa boses niya.

Ang lumabas pang video na kasama niya roon sa awards night ay si BINI Joanna na tumang­gap ng award para sa kanyang grupo.

Samantala, trending din si Janine Gutierrez sa X dahil sa sweetness nila ni Jericho Rosales doon sa naturang award-giving body.

Si Echo ang nagwagi bilang TV Primetime Actor of the Year mula sa teleseryeng Lavender Fields at si Janine Gutierrez naman ang Best Supporting Actress.

Ang daming kinilig sa paghalik ni Jericho pagkatapos tanggapin ni Janine ang kanyang award.

Open naman sila sa kanilang relasyon na sabi lang ni Echo nang makorner ito ng ilang press ay masaya lang daw sila.

Aniya, “Very very very happy. Things are doing well. So grateful.”

Sabi naman ni Janine, “Very grateful po talaga. And nagpapasalamat din talaga kaming lahat dahil grabe ‘yung suporta nyo.”

Magsasama sila sa isang teleserye, pero hindi pa nila masabi ang buong detalye, dahil bawal pa raw pag-usapan.

DustBi, laglag na

Hindi na kami nangahas na pumunta ng Quezon City noong Sabado dahil sa matinding traffic gawa ng may Pride march para sa pagdiriwang ng mga LGBTQIA ngayong Pride month.

Bukod pa riyan ay punung-puno rin ang kalye sa may Pinoy Big Brother house dahil sa announcement ng huling duo na pasok sa Big 4, at paglabas ng last evictee na duo.

Sina Dustin Yu at Bianca de Vera ang huling lumabas, dahil natalo sila sa big jump challenge ng BreKa duo na sina Brent Manalo at Mika Salamanca.

Grabe ang init na pagtanggap sa DusBi na duo, kahit nakikita ang lungkot sa mga mata ni Dustin na hindi siya umabot sa Big 4.

Pero sabi nga niya, tuloy pa rin daw sa labas ang laban nila ni Bianca.

Ang relasyon kaya nila ang tinutukoy nito?

Nagsimula na rin ang botohan sa gusto n’yong magwaging duo, kung ang CharEs ba nina Charlie Fle­ming at Esnyr, and RaWi ba nina Ralph de Leon at Will Ashley, ang AzVer nina AZ Martinez at River Joseph, o ang BreKa nina Brent at Mika.

Bukod sa botong i-save ay puwede rin palang iboto para ma-evict ang isang duo.

Kaya tiba-tiba diyan ang Maya at PBB siyempre!