September 24, 2025 | 12:00am
Lubos ang pasasalamat ni Mika Salamanca dahil sa lahat ng mga biyayang kanyang tinatamasa ngayon.
Maituturing umano ng aktres na ‘reborn’ ang lahat ng mga nangyayari mula nang lumabas sa Pinoy Big Brother House at tanghaling Big Winner sa naturang reality show.
“Unti-unti ko na pong natutupad ‘yung mga pangarap ko and para sa pamilya ko po kaya napakasaya. ’Yung new found success ko po nabigyan niya ako ng rebirth po talaga, new voice, new strength,” bungad ni Mika sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Hindi naging madali para kay Mika noong nagsisimula pa lamang bilang isang content creator. Bata pa lamang ay nakararanas na umano ng online bashing si Mika. Noon ay talagang pinapatulan daw ng aktres ang bashers sa social media.
“Before, aaminin ko, very patol ako talaga. Kasi bata ako nag-start eh. Hindi ko pa naiintindihan na parang kapag alam kang katotohanan sa sarili mo, tapos makikita mo sa internet na bina-bash ka for a wrong view, siyempre ikaw sa sarili mo ang unang maiisip mo, hindi ‘yon totoo. Kailangan kong magsalita. Pero ngayon na matanda na ako, natutunan ko na hindi na sila pansinin. Kasi the more na binibigyan ko sila ng attention, the more na magpo-produce pa rin sila ng something na re-react-an mo. Kaya ngayon deadma po ako, Tito Boy. Laging may ganyan,” pagtatapat ng dalaga.
Nasasaktan ang aktres sa tuwing nadadamay ang kanyang pamilya sa pamba-bash ng ilang netizens.
“Kasi ako pumasok ako sa industry na ‘to, ni-ready ko ang sarili ko. Alam ko ‘yung pinapasukan ko. Pero ‘yung family ko kasi, hindi sila pumasok sa industry na ‘to, hindi sila kasama sa akin. So hindi sila ready sa kung anong pwedeng matanggap nila. So kapag binabatikos po sila, kapag sila ‘yung bina-bash, doon ako nasasaktan talaga, doon ako nagiging super defensive. Ang sakit po no’n,” kwento niya.
Samantala, kamakailan ay nailunsad na sa publiko ang aklat na isinulat ni Mika na may titulong Lipad. Bahagi ang naturang libro sa ginanap na Manila International Book Fair 2025 sa SMX Convention Center.
“Ang talagang nakapag-motivate po sa akin is ‘yung mga tinutulungan ko po. ‘Di ba gumagawa po kami ng charities before? Naisip ko, ‘Ano pa ba ‘yung pwede kong magawa na something na pwedeng iwanan sa mga bata?’ Na kapag maaalala nila, hindi ako ‘yung maaalala nila, maaalala nila ‘yung tinuro ko at ‘yung iniwan ko. Sabi ko, ‘libro,’” pagbabahagi ng Kapuso actress.
Si Mahika ang pangunahing karakter sa librong isinulat ng dalaga. Para kay Mika ay talagang kapupulutan ng aral ng mga mambabasa ang Lipad.
“Si Mahika po is ako po. Si Mahika po kasi takot siya, Tito Boy. Takot siyang lumipad upang makita niya ‘yung mga ibang pakpak. Akala niya mali ‘yung pakpak niya. Akala niya depektibo siya. Hangga’t kaya nilang maglakad kung hindi pa nila kayang lumipad, gawin nila. Huwag silang titigil mangarap na one day, ‘yung pakpak nila matatanggap nila at makakalipad sila nang mataas. And once na nakalipad sila, sobrang taas to the point na hindi na nila maririnig lahat ng masasakit na salita na pwede nilang ma-receive, huwag silang tumigil lumipad,” makahulugang pahayag ng Kapuso actress. — Reports from JCC
