October 3, 2025 | 12:00am
Ini-report ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Senado na may mahigit ?633 milyon na ipon ang Ahensya na nakalagak sa Kawanihan ng Ingatáng-yaman o Bureau of Treasury ng bansa.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, ito’y pruweba ng matatag na kalagayang pinansyal ng Ahensya sa mahusay nitong pangangasiwa sa pondo ng bayan.
“Ikinagagalak ko pong ibahagi sa inyo na mula Hulyo 2025, mayroon tayong P633,813,462.64 sa ating sinking fund. Ang ipon na ito ay patunay ng ating transparency at kahusayan sa pamamahala ng pampublikong pondo,” sabi ni Sotto sa Senado.
Nalampasan din ng Ahensya ang itinakdang revenue targets.
Noong 2024, nakalikom ito ng halos 129 porsiyento higit sa inaasahan, at mula Enero hanggang Hunyo 2025, naabot na nito ang higit 70 porsiyento ng taunang prodyeksiyon.
Ayon kay Sotto, patunay ito na kayang panatilihin ng MTRCB ang operasyon nito habang pinangangalagaan ang pondo ng bayan.
Dagdag pa ni Sotto, para sa 2026 budget, ?55 milyon lamang ang kabuuang hiling ng Ahensya na magmumula sa pambansang pamahalaan para sa sahod ng mga kawani. Ang natitirang bahagi ay sasagutin mula sa sariling kita ng MTRCB.
Noong Agosto, naghain ng resolusyon si Sen. Jinggoy Estrada na pahintulutan ang Ahensya na mapanatili ang bahagi ng kinikita nito para direktang magamit sa mga programa.
Layunin ng panukala na palakasin ang kakayahan ng MTRCB kabilang ang mga inisyatibo sa digitalisasyon upang isulong ang responsableng paggamit ng media.
Iniulat din ni Sotto na tumanggap ang MTRCB ng iba’t ibang parangal at pagkilala mula sa mga institusyon at ahensya.
