August 18, 2025 | 12:00am
Sadyang napaka-judgmental ng mga tao. Hindi pa nga napapatunayan na guilty ang actress-entrepreneur at Political Affairs Officer ni Sen. Robin Padilla na si Nadia Montenegro sa ibinabatong kaso sa kanya na siya umano’y nahuling naghithit ng marijuana sa ladies’ room ng senado, agad itong pinaniwalaan ng mas nakararami.
Hindi pa nagsisimula ang imbestigasyon ay may judgment na agad sa kanya ang publiko.
Isang malapit kay Nadia ang aming nakausap ang nagsasabing hindi umano totoo na siya’y nahuling humithit ng marijuana sa isang ladies’ room ng senado. Inamin ng kausap namin na nagvi-vape ito pero never itong nagma-marijuana laluna sa CR ng senado.
“Common sense naman,” paliwanag ng aming kausap.
“Bakit naman gagawin ‘yon ni Nadia?” tanong pa niya.
“Kilalang-kilala ni Sen. Robin ang pagkatao ni Nadia at satisfied siya sa performance nito bilang Political Affairs Officer ng kanyang tanggapan,” depensa pa nito kay Nadia.
Dahil protocol ito sa senado, kailangang mag-leave of absence muna ito habang iniimbestigahan pa ang kanyang kasong kinasasangkutan kung ito nga’y totoo o hindi.
Sa araw na ito ng Lunes, Aug. 18, ay magsusumite si Nadia ng kanyang sworn statement sa senado denying allegations na ibinabato sa kanya.
Naniniwala rin ang aming kausap na politically motivated ang lahat dahil may mga kapwa senador umano ang pinag-iinitan ang tanggapan ni Sen. Robin at si Nadia umano ang ginawang scapegoat.
Anak ni Imelda Papin, pangarap maging abogada
Isang joint birthday and graduation celebration concert ang isinagawa sa The Grand Lounge ng Newport World Resorts last Saturday, Aug. 16, 2025, para sa kaisa-isang anak na si Maffi Papin (Carrion) ng Asia’s Sentimental Songstress, Jukebox Queen, dating politician at isa sa tumatayong Board of Directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Imelda Papin.
Si Marie France Papin Carrion or Maffi in short ay ipinanganak sa France kaya Marie France ang kanyang pangalan. Siya’y nagtapos ng AB Communication noon but recently ay muli itong nagtapos ng abogasya.
A single mother of three grown-up boys, minana rin ni Maffi ang pagiging mahusay na singer ng kanyang ina at mga tiyahing sina Gloria at Aileen Papin at iba pa nilang mga kaanak (sa mother’s side).
Double celebration ang debut concert ni Maffi attended by the people na naging bahagi ng buhay nilang mag-ina.
During the finale of the concert kung saan si Imelda ang special surprise guest niya, she was surprised by her mom with a replica ng isang malaking car key ng isang brand new Toyota Fortuner as her mom’s birthday and graduation gift sa kanya. Ito’y bukod pa sa ibang regalong natanggap niya including a cash gift of P250,000 from her generous guests.
Bukod sa kanyang mom na si Imelda Papin, ang iba pang special guest performers include her aunt Gloria Papin, Renz Verano, Darius Razon, Lance Raymundo at iba pa.
Namataan din namin sa audience sina Mayor Marcus Mamay, Jeffrey Santos, Mike Castillo, Angelica Jones, ang businessman, talent manager and content creator na si Wilbert Tolentino, ang businesswoman at dating record producer ni Imelda Papin na si Alice Cabahug and other prominent government personalities.
Ang next blow-out party ni Maffi ay kapag nakapasa na siya ng bar exams which is her ultimate dream para maging isang ganap na abogada na siya.
