August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang mga natutunan ni Vanie Gandler sa Alas Pilipinas ang ibabahagi niya sa Cignal HD.
Sa kanyang pagbabalik sa HD Spikers ay umiskor si Gandler ng pitong puntos para makatulong sa kanilang 22-25, 25-19, 25-18, 25-19 paggupo sa ZUS Coffee Thunderbelles sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference noong Lunes.
“Hopefully, my maturity, since I have more exposure now, I can bring that to the team and also teach them the little things I learned and the aggressiveness of being in the national team,” sabi ng 24-anyos na outside hitter.
Nauna nang naglaro si Alas Pilipinas libero Dawn Macandili-Catindig sa 19-25, 13-25, 22-25 pagkatalo ng Cignal sa finalist PLDT noong Sabado.
Kamakailan ay pinayagan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang pagbabalik ng mga Alas spikers sa kanilang mga PVL teams.
Kasama rito sina Gandler at Macandili-Catindig na nagpalakas sa tsansa ng HD Spikers na makasampa sa final round ng PVL Invitational Conference.
Miyembro sina Gandler at Macandili-Catindig ng Nationals na sumabak sa nakaraang 2025 SEA V.League Legs 1 at 2 sa Thailand at Vietnam.