Perpetual may pakay sa Mapua


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Ang pagbangon sa kabiguan ang pakay ng University of Perpetual Help System DALTA sa pagsagupa sa nagdedepensang Mapua University sa Group A sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.

Magtutuos ang Altas at Cardinals ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang banggaan ng Letran Knights at St. Benilde Bla­zers sa alas-12 ng tanghali sa FilOil Centre sa San Juan City.

Bumabandera ang Perpetual sa Group A hawak ang 8-2 baraha kasunod ang Mapua (5-5), Arellano (4-6), San Sebastian (3-8) at Lyceum (2-8).

Solo ng San Beda ang liderato ng Group B bitbit ang 7-3 kartada sa itaas ng St. Benilde (6-4), Letran (6-4), Jose Rizal (6-5) at Emilio Aguinaldo College (4-6).

Nagtapos ang sinasakyang four-game winning streak ng Altas matapos malusutan ng Stags, 61-62, mula sa pagbibida ni Jhuniel Dela Rama.

Umiskor naman ang Cardinals ng 78-73 panalo sa Pirates para palakasin ang tsansa sa top two spot sa quarterfinals.

Sina Patrick Sleat, John Abis, JP Boral, LA Casinillo ang muling bibida sa Altas katapat sina Clint Escamis, Cyril Gonzales, JC Recto, Yam Concepcion at Cyrus Cuenco ng Mapua.