November 15, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Puwede pang maagaw ng PLDT ang No. 1 spot sa ZUS Coffee kung mawawalis ang kanilang huling dalawang laro sa second round ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Lalabanan ng High Speed Hitters ang Chery Tiggo Crossovers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang laro ng Farm Fresh Foxies at sibak nang Galeries Tower Highrisers sa ala-1:30 ng hapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi magtutuos ang Petro Gazz Angels at Capital1 Solar Spikers.
May quarterfinals spot na ang ZUS Coffee (6-1), nagdedepensang Creamline, PLDT (5-1) at Farm Fresh (5-1).
Ang natitirang apat na tiket ay pag-aagawan ng Akari (4-3), Cignal (4-3), Capital1 (3-3), Petro Gazz (3-3), Chery Tiggo (2-4) at Choco Mucho (2-5).
Talsik na ang Nxled (0-7) at Galeries Tower (0-6).
Nasa isang three-game winning streak ang High Speed Hitters matapos wakasan ng Super Spikers ang kanilang 15-game winning run simula sa pagrereyna sa nakaraang PVL on Tour at Invitational Conference.
Nagmula rin sa panalo ang Crossovers matapos talunin ang Solar Spikers, 27-25, 23-25, 25-12, 22-25, 15-13, tampok ang 41 points ni Cuban import Yuni Batista.
Sina Russian import Anastasiia Bavykina, Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Mika Reyes, Majoy Baron at Kim Fajardo ang sasandigan ng PLDT.
Muling makakatuwang ni Batista sa Chery Tiggo sina Ara Galang, Cess Robles, Shaya Adorador, Mylene Paat, Renee Peñafiel at Cza Carandang.