November 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sa pagkakabuo ng eight-team quarterfinals cast ay ang puwestuhan naman ang mangyayari sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Haharapin ng ZUS Coffee ang talsik nang Nxled ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang laban ng Akari at sibak nang Choco Mucho sa alas-4 ng hapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi ay magtutuos ang nagdedepensang Creamline at Cignal.
Swak na sa knockout quarterfinals ang PLDT High Speed Hitters (6-1), Farm Fresh Foxies (6-1), Thunderbelles (6-1), Cool Smashers (5-2), Chargers (4-3), Super Spikers (4-3), Petro Gazz Angels (4-3) at Capital1 Solar Spikers (3-4).
Tanggal naman ang Chery Tiggo Crossovers (2-5), Flying Titans (2-5), Chameleons (0-7) at Galeries Tower Highrisers (0-7).
Sa quarterfinals ay sasagupain ng No. 1 team ang No.8, magduduwelo ang No. 2 at No. 7, lalabanan ng No. 3 ang No. 6 at magkikita ang No. 4 at No. 5.
Ang apat na mananalong tropa ang aabante sa knockout semifinals kung saan ang magwawaging dalawang koponan ang magbabardagulan sa one-game championship duel.
Ang Cignal ang nagmantsa sa dating malinis na record ng ZUS Coffee.
