Richard, sa pelikula muna | Pilipino Star Ngayon


Natawa lang si Richard Gutierrez nang tanungin namin kung may anong possibility ng Book 2 ng Incognito.

Grabe ang clamor ng viewers na magkaroon ng pagpapatuloy ang kuwento ng mga Kontrak.

Pero tumingin lang si Richard sa production at hindi na nakasagot.

At may gagawin na pelikula si Richard sa Regal Films pero wala pa siyang details na ibinigay.

Anyway, sa mga natitirang episode ng Incognito, sasabak sa huling pagkakataon sina Richard, Ian Veneracion, Baron Geisler, Maris Racal, Anthony Jennings, Kaila Estrada, at Daniel Padilla sa kanilang pinaka­matinding misyon laban sa El Cano.

Sa finale media conference noong Huwebes (June 26), ibinahagi rin ni Richard na pinagtibay ng Incognito ang kanilang relasyon bilang magkakaibigan at bilang isang pamilya.

“Every mission, habang tumatagal nagiging close ‘yung buong grupo. Not only the actors but also the crew. Mas nagagamay namin ‘yung isa’t isa. For the finale, dito talaga nagbunga ‘yung lahat ng bwelo ng grupo namin,” sabi pa ng aktor.

Binigyan diin naman ni Direk Lester Pimentel Ong na naging susi ang naging closeness ng Kontraks on and off cam sa tagumpay ng programa.

“They carry each other. ‘Pag pagod na, they support each other. Kahit tapos na ‘yung scene nila, hindi sila aalis, sinusuportahan nila ‘yung kasama nilang nagsu-shoot pa. ‘Yung moral support is very big from each other. Even ako, I get my energy from them,” sabi pa ni Direk na isa rin sa producer ng Incognito.

Ayon sa Star Creatives business unit head Des M. De Guzman, nagbigay ng pangalawang pagkakataon ang serye sa cast. “Incognito is a story of second chances, worth, and family. Alam naman natin pinagdaanan ng superstar cast natin. Hindi kami lumayo sa tunay na buhay, instead lumapit kami.”

Malaki naman ang bilib ni Kaila sa kanyang karakter dahil sa katangian nito na kinakayang magsakripisyo para sa pag-ibig at tungkulin.

Sa kabilang banda, sinabi ni Baron na isasabuhay niya ang magagandang katangian ni Miguel bilang isang ama, habang kinuwento naman ni Anthony na hinangaan niya kay Tomas ang pagmamahal nito sa mga taong malalapit dito.

Sa finale trailer, nakita ang inaabangang pag­haharap ng Kontraks at sina Manuel Aguinaldo at El Cano sa Marawi.

Sa kanilang misyong pataubin ang El Cano, patuloy pa ring haharapin ng Kontraks ang sarili nilang hamon sa buhay, pag-ibig, at pamilya.

Mapapanood ang mga kapana-panabik na episode nito gabi-gabi tuwing 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, at Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page. Maaari itong mapanood nang mas maaga sa Netflix at iWantTFC.

Ice, sobra ang pagluluksa

Nakita lang namin noong Martes ng gabi si Mommy Caring ni Ice Seguerra sa birthday celebration ng misis niyang si Liza Diño na ginanap sa Rampa, pero kahapon ng umaga ay pumanaw na ito na ibinahagi ni Ice sa kanyang social media pages.

“This morning, at 7:54 AM, our family said goodbye to the most amazing woman I’ve ever known: my mom, Mommy Caring,” umpisa ng post ni Ice.

“Mama lived a full and beautiful life. She was strong, kind, funny in her own quiet way, and always, always there. Mula bata pa ako hanggang ngayon, she never left my side. Every show, every gig, every milestone, she was there. She was always present. Papadalhan ako ng mga paborito kong pagkain, masahe kapag masakit ang ulo ko. She made sure she was there kahit may sarili na kaming mga buhay. Walang palya,” pag-alala ni Ice sa pumanaw na ina.

Dagdag pa niya: “She supported me not just as an artist, but as her child. She was my fiercest protector. She accepted me and embraced me for who I am, especially who I am not.

“She was my first teacher, my constant cheerleader. My rock. Losing her this morning feels like losing a part of myself. Pero promise ko sa iyo diba, mama, brave ako. Ikaw ang nagturo sa akin kung paano maging matatag sa harap ng mga sakit na binabato ng buhay. I won’t fail you. Promise ko yun.”

Bukod kay Ice, naulila rin ni Mommy Caring ang kapatid nitong si Juan Carlos Miguel.

Wala pa rin silang ibinibigay na wake details habang sinusulat namin ito.

“Right now, I just want to ask for your prayers and your love for our family, and most of all, for my beloved mama. Salamat po sa lahat ng nakasama namin sa buhay niya. Salamat sa lahat ng nagmahal at tinuturing din siyang nanay. You all made her very happy.

“We’ll miss you forever, Mama. Pero magkasama na kayo ni Daddy. And that gives me comfort.”