Rufa Mae gustong bumangon, nakahanap ng bagong pamilya!


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

October 3, 2025 | 12:00am

Natupad ang pangarap ni Rufa Mae Quinto na maging ‘total performer’ sa nagbabalik na Your Face Sounds Fami­liar (YFSF), hosted by Vhong Navarro and Jhong Hilario.

Bukod pa sa gusto niyang bumangon pagkatapos ng mga nangyayari sa kanyang personal na buhay.

Kabilang nga ang sexy comedienne sa contestants sa bagong edition ng YFSF kasama sina Alexa Ilacad, Pepe Herrera, Jarlo Bâse, Dia Mate, BGYO Akira, JM Dela Cerna and Marielle Montellano and Jason Dy.

Maraming problema aniya ang kanyang pinagdaanan — kabilang na ang pagkamatay ng kanyang asawang si Trevor Magallanes at ang pagkakasangkot sa demandang violation of the Securities Regulation Code ng isang skincare.

Lalo na at nauna na niyang inamin na wala siyang nakuha kahit isang singko sa death benefits ng kanyang asawa.

Ang usap-usapan ay napunta diumano ang lahat sa pamilya ng pumanaw niyang mister pero walang nabanggit si Rufa Mae tungkol dito.

But anyway, gusto raw niya ngayong malibang at kahit paano ay kalimutan ang mga nangyari.

“Dumaan po ako sa maraming problema–– madrama. Kaya sabi ko gusto ko na may gawin na maganda para malibang ako kasi kailangan ko ‘yun,” pag-amin niya sa ginanap na media conference ng YFSF noong isang araw.

“Nagluluksa rin kaming mag-ina,” dagdag niya pa.

Saka plano raw talaga niyang mag-full blast ulit sa showbiz matapos magpaka-misis at masangkot sa kontrobersya.

“‘Yung na-offer sa akin ‘to, kung gusto ko raw mag-audition, sabi ko maganda ito kasi matagal din na hindi ako nag-full blast sa showbiz. Kumbaga kung may commercial, pasulput-sulpot lang. Halos 10 taon ganun, ‘yung career ko dahil nag-pamilya ako,” pahayag pa niya.

Saka lumalaki na raw ang anak niyang si Athena Magallanes kaya pwede na rin niyang iwan ito.

Sa ngayon ay masaya siya lalo na at nakahanap siya ng bagong pamilya sa programa na mag-uumpisang mapanood bukas, Oct. 4.

Kaya sabi niya, todo ang pakikisama niya.

“Ito nakikisama sa kanila. Nakikisama sa kanila kasi masaya silang kasama.

“Kasi alam mo para ulit akong baguhan ngayon kahit matagal na tayo sa industriya. Ibang henerasyon na sila,” na ang tinutukoy ay ang mga nakasama sa YFSF.

“Kami na lang ang magkaka-henerasyon (sabay turo kina Vhong and Jhong.) Ang sarap ng bago ang lahat. Mga kasama mo, mga writer namin, mga bago na, mga bagets.

“Masayang-masaya ako, mga bata ang mga kasama ko.

“So buti naman nakaabot pa ako.

“Hindi naman perfect, pero masayang-masaya ako.

“Kasi nahihiya ako. Pero gusto ko na ring maging singer, total performer,” sabi pa niya sa classic na paraan ng pagsasalita na ikinatawa ng mga andun sa presscon.

Bagama’t first time niyang sumali sa isang contest, sinabi niyang gagawin niya ang kanyang makakaya kahit na nga magaganda talaga ang boses at talagang singer ang kanyang mga kalaban.

“First time ko rin mag-contest na mahirap pala kasi akala ko iba ‘yung kakanta ka lang eh. Iba ‘yung may judge, iba ‘yung sasayaw, iba ‘yung may kalaban, iba ‘yung magagaling. Tsaka alam ko kahit anong gawin ko ‘yung boses ko hindi naman magiging kapantay nung mga champion, ‘di ba? Pero humanda sila,” pagbabanta pa niya sa mga kalaban.

Nakatakdang mag-umpisa ang YFSF sa Oct. 4 and 5 hosted by Vhong Navarro and Jhong Hilario habang magsisilbing judges naman sina Sharon Cuneta, Gary Valenciano, and Ogie Alcasid.