October 4, 2025 | 12:00am
Totoo kayang tumawag sa GMA 7 ang staff ni Sarah Discaya?
Nagulat daw ang GMA 7 executive kung ba’t ito tumatawag.
‘Yun pala nagtatanong daw ito kung pwede siyang mag-guest sa Bubble Gang at magkaroon sila ng face-to-face encounter ni Ciala Dismaya, ang pinakabagong spoof ni comedy genius Michael V. sa Bubble Gang.
Hindi nga naman maikakaila ang pagkakahawig nila.
Nauna nang inamin ni Michael V. na naisip niyang gawin ang skit dahil sa matinding demand mula sa publiko.
Marami namang naaliw roon at kabilang nga raw si Mrs. Discaya.
Ipinalabas ito noong Sept. 14.
Faney na faney raw kasi ito si Mrs. Discaya.
Sa kasalukuyan ay sinasabing hindi lang diumano sa DPWH (Department of Public Works and Highways) maraming nakuhang kontrata ang mag-asawang Discaya dahil ayon sa lumabas na mga balita kahapon, diumano’y meron din silang maanomalyang mga proyekto na nakuha diumano sa Department of Health (DOH).
Ibinandera nga ni Senate finance chair Sherwin Gatchalian ang diumano’y pagkakasangkot ng flood control contractors sa maanomalyang pagtatayo ng mga ospital sa budget deliberation ng DOH noong isang araw.
At ang latest, maaari diumanong pagmultahin ng aabot sa P300 bilyon dahil sa umano’y bid-rigging ng mahigit isang libong kontrata sa DPWH ang mga Discaya.
Dapat talagang may managot.
